IKINAALARMA na ng One Hospital Command ang patuloy na pagbaba ng healthcare capacity sa Metro Manila sa gitna ng nararanasang surge ng COVID-19 cases.
Ayon kay One Hospital Command Head at Department of Health Usec. Leopoldo Vega, nasa high-risk category na ang ilang lungsod sa National Capital Region (NCR) gaya ng Manila, Makati, at Taguig.
Kabilang na aniya dito ang mga level 3 o malalaking ospital mapa-pribado o pampubliko.
Sa pinakahuling tala aniya nasa 54% na ng isolation beds sa buong rehiyon ang okupado habang 64% na ang occupied ICU beds.
Bagay na aniya dapat ikabahala at agarang tugunan upang hindi na lumala pa ang sitwasyon.
Ani Vega, maaari lamang mag-relax ang publiko kung bumaba sa 30% ang kabuuang Healthcare Utilization Rate (HCUR).
Tiniyak naman ni Vega na nakatutok ngayon ang mga opisyal sa pagtatag ng karagdagang modular hospitals at pag-implementa ng localized lockdowns.
Dagdag pa nito, mas maalam na ang mga healthcare workers ng Pilipinas sa pag-tugon sa COVID-19 patients kumpara noong nakaraang taon.
(BASAHIN: PGH, puno na ang Intensive Care Unit para sa COVID-19 patients)