Pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa pagpupuslit ng vape at sigarilyo, pinaiimbestigahan sa Senado

Pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa pagpupuslit ng vape at sigarilyo, pinaiimbestigahan sa Senado

ISANG resolusyon ang inihain sa Senado upang imbestigahan ang pagbaba ng kita ng gobyerno dahil sa smuggling ng mga produktong pinapatawan ng excise tax, kabilang na ang mga vape at mga sigarilyo.

Sa Senate Resolution 1243 na inihain ni Senador Sherwin Gatchalian ay binigyang diin na kailangan muling suriin ng gobyerno ang diskarte nito upang labanan ang smuggling at mga bawal na kalakal sa bansa, partikular na ang mga produktong may excise tax.

“Sa kabila ng pagsisikap ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, nananatiling talamak sa buong bansa ang smuggling ng mga produktong may excise tax. At dahil sa napakalawak na epekto nito, kinakailangan na muling suriin ng gobyerno ang diskarte nito upang labanan ang smuggling at mga bawal na kalakal sa bansa,” ayon kay Sen. Sherwin “Win” Gatchalian Republic of the Philippines.

Ayon sa Department of Finance (DOF), P52 bilyon ang nawawala sa gobyerno taun-taon dahil sa smuggling ng vape at tobacco products. Mula sa halagang ito, P35 bilyon ang nawawalang kita dahil sa smuggling ng tobacco products at P17 milyon dahil sa smuggling ng vape products.

Sa unang bahagi ng Nobyembre, nakumpiska ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detention Group (PNP-CIDG) ang P2.4 bilyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at smuggled na mga kagamitan.

Noong Setyembre, iniulat na naharang ng mga awtoridad ng Hong Kong Customs ang 18 million US dollars na halaga ng ipinuslit na alak, patungo sana sa Pilipinas.

Mula Oktubre 2023 hanggang Agosto 2024, nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang P6.5 bilyong halaga ng smuggled vape products. Sa Philippine Vape Festival Compliance Summit na ginanap noong Agosto ngayong taon, nakumpiska din ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mahigit 5,000 na ipinagbabawal na mga produkto ng vape kahit na ang naturang okasyon ay para sana sa isang talakayan tungkol sa mga pagbabago sa regulasyon at patakaran na nauukol sa industriya.

Bukod dito, nakumpiska rin ng BIR ang 390,000 litro ng ethyl alcohol dahil sa hindi pagbabayad ng excise taxes na umabot sa mahigit P700 milyon noong Hulyo ngayong taon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble