AASAHAN ang pagbabagong mangyayari sa Office of the Press Secretary (OPS) ayon sa inihayag ni Office of the Press Secretary OIC Undersecretary Cheloy Garafil.
Isinagawa ang pahayag pagkatapos sa unang pagkakataong pagdalo ni Garafil sa flag raising ceremony sa Palasyo nitong Lunes ng umaga Oktubre 10, 2022.
Ayon kay Garafil, makikipagpulong siya sa ibang mga opisyal ng OPS upang pag-usapan ang operasyon ng kanyang bagong pinamumunuang opisina.
“Of course may mga changes iyan around operations but ngayon pa lang kami magmi-meeting formally on the operations of the OPS but definitely you will some changes in the coming days or weeks,” pahayag ni Garafil.
Bago nito, inilahad ni Garafil na hindi mahalaga kung OIC man ng estado ang kanyang ginagampanang tungkulin.
Mas binibigyang-bigat niya ang tiwala at kumpyansa na ipinagkaloob sa kanya ni Pangulong Marcos upang pamunuan ang OPS.
“Iyon yung kanyang inoffer…sa akin naman di na importante kung OIC…ang mahalaga sa akin yung trust and confidence na binigay sa atin ng pangulo na binigyan niya tayo ng pagkakataon at trust na makatulong sa OPS. Iyon yung importante sa akin,” ayon pa ni Garafil.
Ibinahagi ni Garafil na ipinatawag siya ni Pangulong Marcos noong isang linggo kung saan inialok sa kanya ang nasabing posisyon.
Saysay aniya ng Punong Ehekutibo, kailangan nito ng isang taong maaaring makatulong sa nasabing tanggapan.
“Last week pinatawag niya ako and he said na kailangan ng someone sa OPS na makatulong. Then he offered me the OIC position so I said yes of course,” ani Garafil.
Kasama ni Garafil sa ginanap na flag ceremony sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara, Presidential Management Staff Secretary Zenaida Angping, Special Assistant to the President Antonio Lagdameo, at iba pang key officials ng Malakanyang.
Sa kabilang dako, sa mensahe ni ES Bersamin, hinikayat nito ang mga tauhan ng OPS na maging tapat sa kanilang mga sinumpaan sa panunungkulan.
Hinimok ng opisyal ang mga OP personnel na magsilbi sa Presidente at sa bansa na may buong katapatan.
Pinaalalahanan din ni Bersamin ang mga staff ng Office of the President na walang kabuluhan ang serbisyo-publiko kung hindi dedikado ang mga lingkod-bayan.
“I exhort each and every one of you my coworkers to be true to your oath of office. This you can easily do when you serve with loyalty to the president and with fealty to the spirit and letter of the Constitution. Public service becomes meaningless and empty if the public servant is not dedicated to this kind of intentional cognizance,” pahayag ni Bersamin.
Dagdag pang mensahe ng opisyal, dapat aniyang sikaping itaguyod ang ‘rule of law’ sa bawat pagkilos sa gitna ng pagtupad ng mga tungkulin at responsibilidad.
“We must endeavor to uphold the rule of law in every action that we take in the discharge of our duties and responsibility. Always bear in mind that we are undeserving of our positions if we cease to be just and lawful,” aniya pa.
Samantala, naanunsyo rin ang patungkol sa isang memorandum order mula sa Malakanyang.
Pinalawig ni Executive Secretary Bersamin ang termino ng mga opisyal at kawani ng OPS na may coterminous status.
Ito ay base sa inilabas na Memorandum Order No.7 na pirmado ni Bersamin na may petsang Setyembre 27, 2022.
Nakasaad sa naturang kautusan na mananatili ang mga ito sa kanilang tungkulin at serbisyo hanggang katapusan ng Disyembre 2022.
Epektibo ang nasabing memo hanggang sa nabanggit na petsa maliban na lamang kung ito ay mapapawalang-bisa, tatanggapin ang pagbibitiw, o kaya’y mapapalitan ang mga ito at may bagong itatalagang opisyal para sa kanilang posisyon.
Layon naman ng memorandum order na hindi maputol ang paghahatid ng serbisyo sa gobyerno ng Office of the President.
Sa panig naman ng mga kawani ng Office of the President, nagpasalamat ang Human Resource Management Office ng Palasyo sa inisyung memo ng Executive Secretary.
“Sir, it is really hard to be in that place of uncertainty especially this coming Christmas season na ang hiling ng bawat isa sa amin ay maging happy tayo ngayong Pasko,” pahayag ni Dir. Andrea Maila Ordanez, Human Resource, Office of the President.
Mababatid na may una nang inilabas na memorandum si dating Executive Secretary Vic Rodriguez.
Subalit dahil nagbitiw na ito sa posisyon, kailangang muling maglabas ng panibagong kautusan ang bagong Executive Secretary na si ES Lucas Bersamin.