Pagbabakuna ng unang dose vs COVID-19 sa Makati City, pansamantalang ititigil

Pagbabakuna ng unang dose vs COVID-19 sa Makati City, pansamantalang ititigil

ITITIGIL muna pansamantala ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang pagbabakuna ng unang dose laban sa COVID-19 para sa kanilang mga residente.

Sa opisyal na Facebook page ng Makati LGU, humingi ito ng paumanhin sa biglang paghinto ng pagbabakuna ng unang dose ng COVID-19 partikular ang pagbabakuna ng Sinovac.

Dahilan ng lungsod ang pagkaubos ng kanilang suplay ng bakuna mula sa Department of Health (DOH).

Muli namang ipagpapatuloy ang bakuna ng unang dose sakaling masuplayan na ang nasabing lungsod ng bakuna mula sa DOH.

Abiso ng Makati LGU, hintayin na muna sa pamamagitan ng text message ang bagong iskedyul ng kanilang vaccination.

Bunsod dito, sarado muna ang vaccination sites sa Glorietta 2, San Lorenzo Place, Ayala Malls Circuit, Benigno Aquino National High School, at Palanan Elementary School.

Tuloy naman ang 2nd dose sa Makati Coliseum at Fort Bonifacio Elementary School para sa mga nakatakdang bakunahan bukas.

Mga bahay at establisimyento sa Mandaluyong City na fully-vaccinated na, didikitan ng sticker

Samantala, sa Mandaluyong City naman ay didikitan ng sticker na may nakalagay na ‘Relax, We’re Vaxed’ ang mga tahanan  kung ang lahat ng miyembro ng pamilya ay nabakunahan na maliban sa mga bata.

Gayundin ang mga business establishment kung ang mga empleyado nito ay fully vaccinated na.

Ilan lang ito sa mga hakbang na ginagawa ng lungsod upang mas dumami pa ang nais magpabakuna.

Ayon sa Mandaluyong LGU, ito ay bahagi ng kanilang estratehiya upang mahikayat ang mga residente na magpabakuna laban sa COVID-19.

Maliban dito, natutulungan din ang mga business establishment na makabangon mula sa COVID-19 pandemic.

BASAHIN: Karagdagang vaccination sites, itinayo sa mga barangay ng Makati City

SMNI NEWS