UNTI-unti nang bumabalik sa sigla ang bawat araw at gabi ng ilang mga negosyo kabilang na ang turismo sa Baguio City matapos buksan ang lungsod sa mga fully-vaccinated na mga turista.
Kumikita na ng P300 tuwing weekdays si Aling Arlene, isa sa nagpaparenta ng bangka sa Burnham Park, kumpara sa singkwenta pesos o minsa’y wala sa mga nakaraang buwan.
Tuwing weekends naman, minsay pumapalo pa aniya sa P500 ang kaniyang kinikita.
Ikinatuwa rin ng ice cream vendor na si Sugar Juanata at iba pang nagbebenta ng pagkain sa Burnham Park ang pagdagsa ng mga turista sa pasyalan.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, ang pagbubukas ng lungsod sa mga turista ay bahagi ng kanilang mga hakbang para buhayin ang ekonomiya sa siyudad.
Pero nasa dalawang libong turista lamang ang maaring makapasok sa Baguio City.
Mahigpit na ipinatutupad ng LGU ang health protocols gaya ng pagpaparehistro sa Visita application website at paghintay ng schedule bago umakyat sa Baguio.
Upang tuluyang makapag-stay sa Baguio City, kinakailangang dumaan sa check point at triage.
Dito ipapakita ang mga kaukulang dokumento gaya ng QR Code, Valid ID, at ang proof of vaccination para sa lahat ng mga fully vaccinated.
Inaasahan ang pagdagsa ng mga turista ngayong papalapit na ang holiday season.
Nakahanda na rin ang mga hotel, restaurant at iba pang pasyalan sa inaasahang pagdami ng mga turista sa Baguio City.