HALOS dalawang buwan na lang bago ang inaabangang halalan sa Mayo 12, kaya’t lalong umiinit ang labanan sa pangangampanya. Walang tigil ang mga kandidato sa pagsuyod sa iba’t ibang lugar, sinisikap makuha ang tiwala at boto ng mga Pilipino.
Lahat ng estratehiya, gamit na gamit—mula sa personal na pagbisita hanggang sa malalaking rally—para matiyak ang kanilang panalo. Narito ang pinakabagong kaganapan sa kanilang kampanya sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa Malabon City kung saan nakaharap ni Ariel Querubin ang ilang residente ng lungsod at mga lokal na opisyal.
Bumisita naman sa Bayugan City, Agusan del Sur si Kiko Pangilinan kung saan nakadaupang-palad nito ang mga Senior High School students.
Nasa Cabadbaran City Agusan del Norte naman ang running mate ni Kiko na si Bam Aquino.
Dumalo naman sa isang forum sa University of the Philippines Diliman si Roberto Ballon.
Ang grupo naman ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ng administrasyon ay nasa Tacloban City, Leyte nangampanya pero hindi dumalo si Sen. Imee Marcos na nagpahayag ng pagtutol sa ginawang pagpapaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Samantala ang team PDP-Laban naman, na sina Atty. Jimmy Bondoc at Atty. Raul Lambino ay naghayag ng panawagan na hustisya para sa dating pangulo.
Gayundin sina Sen. Bong Go, Jayvee Hinlo, Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Atty. Vic Rodriguez, Philip Salvador, at Rodante Marcoleta.
Patuloy nating bantayan ang bawat galaw, plataporma, at paninindigan ng mga kandidato para mas maging matalino at mapanuri tayo sa pagpili ng ating susunod na mga senador.