Pagbabantay sa mga quarantine hotel, hihigpitan ng Quezon City government

IPINAG-utos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na higpitan ang monitoring ng mga hotel na nagsisilbing quarantine facility sa mga nagbabalik na overseas Filipino worker sa bansa.

Ito ay para mamonitor pagpasok ng mga byahero mula sa mga bansang may kaso ng UK variant ng COVID-19.

Dahil dito, inatasan na ang Quezon City Police District na mag-deploy ng mga pulis sa labas ng quarantine hotels para matiyak na susunod ang lahat sa 14-day quarantine period.

“If need be, we can tap our police officers to man these hotels so we can prevent returning Filipinos from leaving without finishing the government-mandated quarantine period,” pahayag ni Belmonte.

Paiigtingin din ng lokal na pamahalaan ang pag-iinspeksyon sa mga hotel at ibang establisimyento sa siyudad kung nasusunod ba ang health protocols.

Batay sa National Health Guidelines, tanging mga four- and five-star hotels lamang na accredited ng Department of Tourism ang maaaring tumanggap ng “staycation” guests.

Kaya naman, lahat ng mga hotel na hindi pasok sa nasabing requirement ay designated bilang quarantine facilities.

Dahil dito, required na ang mga quarantine hotels na magsumite ng listahan ng mga returning OFWs para sa daily monitoring.

Magsasagawa naman ng surprise inspections ang Quezon City Government sa mga hotel.

“Nais nating makatiyak na hindi tayo napalulusutan ng mga hotel na ito sa pagtanggap ng mga bisita na labas sa itinatakda ng ating protocols,” ani Belmonte.

SMNI NEWS