Pagbabawal sa mga paputok, ipinanawagan sa gitna ng pagtaas ng online selling

Pagbabawal sa mga paputok, ipinanawagan sa gitna ng pagtaas ng online selling

KASUNOD ng mga ulat na laganap na sa online platform ang pagbebenta ng mga nakamamatay na paputok ay isinusulong ngayon ng isang senador na mas higpitan pa ang pagbabawal, pagbebenta, pamamahagi, at paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Sa Senate Bill 1144 o Firecrackers Prohibition Act na inihain ni Senador Win Gatchalian ay layon nitong amyendahan ang Republic Act 7183, na kilala rin bilang “An act regulating the sale, manufacture, distribution, and use of firecrackers and other pyrotechnic devices.”

Ayon kay Gatchalian ang bentahan ng mga paputok sa pamamagitan ng online platform ay isang bagong hamon na dapat harapin ng mga otoridad upang maging mas ligtas ang ating pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon.

“Ang pagdami ng mga nagbebenta sa online platform ay nagdudulot ng mga bagong hamon, kung kaya’t ang mga awtoridad ay dapat magpatibay ng mga makabagong paraan upang matugunan ang mga panganib na ito. Ang pakikipagtulungan sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, mga online na platform, at mga lokal na komunidad ay mahalaga upang itaguyod ang pagbabawal at isulong ang mas ligtas na mga alternatibo para sa mga pagdiriwang ng kapaskuhan at bagong taon,” ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Sa kabila ng panawagan na ipagbawal ay mayroon naman itong exemption sakaling makakuha ng special permit mula sa PNP Fire and Explosives Office.

Bukod dito, ang anumang fireworks display ay dapat isagawa lamang ng mga propesyonal na may sapat na kasanayan at kaalaman sa paggamit ng mga paputok.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter