INILARAWAN ni dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na ‘kakaiba’ ang nangyaring pagbaliktad ng maraming testigo sa kanilang testimonya laban kay dating Senator Leila de Lima.
Ayon sa dating Palace official, kung isa o dalawang testigo lang ang bumaliktad ay normal pa.
Ilan sa mga testigong bumaliktad ay sina dating Bureau of Corrections Officer-In-Charge Rafael Ragos; dating aide ni De Lima na si Ronnie Dayan; at Marcelo Adorco, ang bodyguard at driver ng drug dealer na si Kerwin Espinosa.
Maging ang self-confessed drug dealer na si Kerwin Espinosa ay bumaliktad na rin sa kaniyang testimonya laban kay De Lima.
Bukod dito, pinuna rin ni Roque na marami sa mga nakakulong na testigo laban kay De Lima ay pumanaw na.
Sa kabila nito ay umaasa si Roque na mananaig pa rin ang katarungan sa mga kaso laban sa dating senadora.
Ngayong araw, May 12, 2023 ay inabsuwelto ng Muntinlupa City Regional Trial Court Branch 204 ang isa sa mga kaso ni De Lima.
Ito na ang pangalawang panalo mula sa 3 kasong kinakaharap ng dating senadora.