Pagbaril-patay sa isang turista mula sa New Zealand sa Makati City, kinundena ng DOT at DILG

Pagbaril-patay sa isang turista mula sa New Zealand sa Makati City, kinundena ng DOT at DILG

KINUNDENA ng Department of Tourism (DOT) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagbaril-patay sa isang New Zealander sa Makati City nitong Linggo ng madaling araw.

Ipinaabot ni DOT Secretary Christina Garcia-Frasco ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ng New Zealander na namatay matapos na barilin ng holdaper sa Makati City nitong Linggo ng madaling araw.

Kinondena ni Frasco ang nasabing insidente na aniya ay hindi sumasalamin sa mga Pilipinong nagnanais ng kapayapaan.

Pagbaril-patay sa isang New Zealander, isang isolated case lamang; Pilipinas nanatiling ligtas sa mga turista

Sa kabila ng nangyari, iginiit ni Frasco na nananatiling ligtas ang Pilipinas sa mga dayuhang turista.

Aniya isang isolated case lamang ang pagkasawi ng New Zealander.

Dagdag pa ng kalihim na nakipag-usap na siya kay DILG Secretary Benhur Abalos tungkol sa nasabing insidente at sa iba pang government agency upang matiyak ang peace and order sa bansa.

Ipinag-utos na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director General Jonnel Estomo sa Makati City Police Station na imbestigahan ang nangyari at kaagad na hulihin ang mga suspek.

“Inatasan ko na ang Makati City Police Station para sa masusing imbestigasyon at siguraduhing mahuhuli ang mga nasabing suspek na sangkot sa nangyaring holdapan at pamamaril na ito sa biktima,” PMGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director, NCRPO.

Pinaigting na rin aniya ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang kaparehong krimen.

“Pinaigting pa natin ang police visibility sa nasabing lugar upang maiwasan na mangyari muli ang ganitong krimen,” ani Estomo.

Kinilala ang biktima na si Nicholas Peter Stacey, 34-anyos na turista mula sa New Zealand.

Batay sa imbestigasyon, namatay ito matapos manlaban sa mga holdaper na nakasakay sa isang motorsiklo sa Brgy. Palanan, Makati City.

Naganap ang insidente noong Linggo ng madaling araw habang kasama ng biktima ang kaniyang nobya na si Pamela Gaye Villonoza.

Matapos ang pamamaril ay tinangay ng mga suspek ang cellphone at wallet ni Pamela bago tumakas patungo sa direksiyon ng Pasay City.

Follow SMNI NEWS in Twitter