Pagbebenta ng Divisoria Market, wala sa tamang proseso – Manila Mayoral candidate

Pagbebenta ng Divisoria Market, wala sa tamang proseso – Manila Mayoral candidate

HINDI dumaan sa tamang proseso ang pagbebenta ng ilang opisyal ng Manila City Hall sa Divisoria Market.

Ito ang nadiskubre ni Manila Mayoral candidate Atty. Alex Lopez sa panayam ng SMNI News.

“Dalawa ang maliwanag po dito. Unang-una ay pinaburan nila ang paggawa nito at number two hindi kinunsulta ‘yung mga dapat konsultahin. Being a public market, being a public edifice, being a public property ay dapat malaman ng taong-bayan ano ba nangyari rito,” pahayag ni Lopez.

Rason ng lungsod sa pagbebenta, magtatayo umano ng 40 to 50-storey building sa kabuuang lawak ng Divisoria Market.

Tugon naman ni Lopez, higit na maapektuhan ang mga nagtitinda rito lalong-lalo na ang mga small scale at mga mahihirap na residente na malapit sa nasabing pamilihan sa ginawang ito ng lungsod.

“Napakalapit po nyan sa Tondo at nandyan ang mga mahihirap diyan umaasa. Pati ‘yung binebenta sa Pritil Market, dyan nanggagaling sa Divisoria Market. So, kung alam nyo ang takbuhan ng palengkehan sa Maynila, napakaraming umaasa dyan. ‘Pag minahal nyo ‘yan lahat ng bilihin ng taong-bayan sa Maynila tataas po at kawawa naman ang taong-bayan sana may konsensya sila inisip nila ‘yun bago sila gumalaw,” dagdag ni Lopez.

Sa panig ng lungsod, nagpadala na anila sila ng notice hinggil dito na sya namang itinanggi ng mga nagtitinda.

Samantala, sa hawak na resolusyon ni Lopez hinggil sa bentahan ng 8,000 square meter na Divisoria Market sa isang pribadong kumpanya noong 2020, nagkakahalaga ito ng P15 billion subalit hindi pa tiyak kung saan inilagak ang naturang pera.

Follow SMNI News on Twitter