Pagbebenta ng pekeng PWD IDs, laganap; Nawawalang kita ng pamahalaan, aabot sa P88-B—BIR

Pagbebenta ng pekeng PWD IDs, laganap; Nawawalang kita ng pamahalaan, aabot sa P88-B—BIR

TUTUTUKAN ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagsasagawa ng nationwide crackdown laban sa pagbebenta at paggamit ng pekeng person with disability (PWD) identification cards (IDs).

Ayon kay Commissioner Romeo Lumagui Jr., ipinag-utos na niya sa mga opisyal ng BIR na makipagtulungan sa ibang pang ahensya ng pamahalaan upang mapigilan ang paggamit ng mga pekeng PWD ID.

”Nalaman natin na laganap ang paggamit o pagbibenta ng mga PWD IDs na wala naman talagang kapansanan. Kaya naman inutos natin na mas maging istrikto tayo dito at tutukan ang kalakaran dito para masigurado natin na iyong mga lehitimong mga PWDs lang talaga ang nakakapag-avail ng diskuwento na ito,’’ ayon kay Romeo Lumagui, Jr. Commissioner, BIR.

Saad ni Lumagui, humigit-kumulang P88 bilyon ang nawawalang kita ng gobyerno dahil sa mga gumagamit ng pekeng PWD IDs noong taong 2023 pa lamang.

Bukod dito, malaki rin daw ang epekto nito sa mga negosyante dahil nawawalan din sila ng kita rito.

Sa ilalim ng Republic Act No. 10754, o ang “Act Expanding Benefits and Privileges for Persons with Disability,” ang mga PWD ay exempted sa value added tax at may karapatan sa minimum na 20 porsiyentong diskwento sa mga serbisyo sa mga hotel, restaurant, at recreation center.

‘’So, ibig sabihin niyan, imbes na nagagamit iyan sa mga proyekto ng ating gobyerno at ang talagang nakikinabang ay iyong mga PWDs ay itong mga manloloko ang nakikinabang dito sa 20% na ito at, again, nawawalan ang mga negosyante at ang gobyerno ng pondo para sa infrastructure projects natin,’’ saad nito.

Kaugnay dito, tiniyak ng pamunuan ng BIR na may criminal liability ang mga nagbebenta at gumagamit ng pekeng PWD IDs, kapag nahuli ay puwedeng makasuhan ang mga ito ng kasong kriminal, pagmumultahin at maaaring makulong.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble