Pagbenta ng gold reserves ng pamahalaan, kinuwestiyon

Pagbenta ng gold reserves ng pamahalaan, kinuwestiyon

SA datos mula sa BestBrokers, isang online brokerage aggregator, nadiskubre na ang Pilipinas ang may pinakamalaking gold activity sa buong mundo sa nakalipas na anim na buwan.

Sinabi sa report na nagbenta ang Bangko Sentral ng Pilipinas ng mahigit 24 na tonelada ng ginto.

Ito raw ang pinakamalaking bulto na nabenta sa mga bansang kasapi ng World Gold Council mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon.

Paliwanag ng ekonomista na si Dr. Michael Batu, mahalaga ang ginto sa isang bansa.

“Halimbawa kung gaano karami ‘yung silver and gold na meron ang isang bansa, ganoon ang metro kung gaano ka valuable ang kanilang ekonomiya,” ayon kay Dr. Michael Batu, Ekonomista.

Buwan ng Agosto ngayong taon, pumalo sa 2,500 USD (P140K) per ounce ang bentahan ng ginto.

Pumatak naman sa 2,636 USD per ounce ang presyo ng ginto ngayong buwan o mahigit P147K.

Mapapansing Hunyo ngayong taon nang maitala ang pinakamahinang halaga ng piso kontra dolyar.

Sa P58.78 kontra 1 US Dollar, ani Batu, posible aniya na ginawa ang pagbenta para palakasin ang piso kontra dolyar.

“Halimbawa, gusto ng Bangko Sentral na i-manage o i-control ang pagbulusok ng piso. So, ibig sabihin ayaw nilang paabutin ‘yan ng P60. So, anong kailangan nilang gawin diyan? Kailangan nilang mag-supply ng US dollar sa merkado. Kapag nagpapasok sila ng US dollar sa merkado, tataas ang supply. Mangyayari niyan is hihina ang dollar, tataas ang piso,” ani Batu.

Kapag mataas ang halaga ng piso kontra dolyar, bababa ang presyo ng bilihin sa bansa pero, kuwestyunable ani Batu kung bakit ganoon kalaki ang binentang ginto ng Pilipinas.

“Ang issue dito is baka sobra-sobra ‘yung pagbenta natin ng dollars na maubusan tayo ng ammunition, maubusan tayo ng bala—to the point na wala na tayong gold na mai-bebenta kasi na-exhaust mo na,” aniya.

Sa panig ng Central Bank, bahagi anila ng kanilang ‘active management strategy’ ang pagbenta ng ginto at sinamantala nila ang pagkakataon na gawin ang hakbang dahil sa mataas na presyo ng ginto sa merkado.

“The BSP took advantage of the higher prices of gold in the market and generated additional income without compromising the primary objectives for holding gold, which are insurance and safety,” aniya pa.

Tiniyak ng Central Bank na hindi maapektuhan ang gold reserves ng Pilipinas sa kanilang hakbang pero, walang binanggit na detalye ang BSP kung saan ginamit ang kita sa pagbebenta ng ginto.

Wala ring pahayag kung bakit ngayon lang sila nagpaliwanag na natapos na ang transaksiyon sa halip na ipaalam muna sa taumbayan ang kanilang hakbang.

Turkey ang may pinakamaraming biniling ginto sa unang kwarter ng 2024.

Nanatili naman ang Amerika bilang may pinakamalaking gold reserves sa buong mundo.

Sa ngayon, nasa mahigit 134 na tonelada ng ginto na lamang ang natira sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble