IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng cash assistance sa mga may-ari ng sari-sari store na apektado ng price cap ng bigas.
Kasunod ng naturang direktiba ni Pangulong Marcos, ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ipamamahagi ng DSWD ang tulong-pinansiyal sa mga may-ari ng sari-sari store simula Setyembre 25-29 sa pakikipag-ugnayan sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa pagtukoy sa mga benepisyaryo.
Una nang inatasan ni Pangulong Marcos ang DSWD na magbigay ng cash assistance sa maliliit na rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng mandated price ceiling sa regular at well-milled rice sa buong bansa.
Inaprubahan ng Punong Ehekutibo ang pagpapatupad ng mandated na P41 price ceiling sa regular milled rice at ang P45 price cap sa well-milled sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Executive Order No. 39.
Batay sa pinakahuling ulat, inilahad ng DSWD na nakapaglabas na sila ng P92.415-M na halaga ng tulong pinansiyal sa 6,161 mula sa 8,390 na target na micro at small rice retailers na apektado ng pagpapatupad ng EO 39 sa buong bansa.