Pagbibigay ng support services sa mga magsasaka, pinagtibay ng DAR

Pagbibigay ng support services sa mga magsasaka, pinagtibay ng DAR

NAGBIGAY ng Certificates of Land Ownership Awards (CLOAs) at titulo ng lupa ang national government sa halos 4,000 magsasaka sa Central Visayas.

Sa kaniyang talumpati sa Dumaguete City nitong Lunes, Mayo 20, 2024, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mahigit tatlong libong CLOA at titulo ng lupa na sumasaklaw sa humigit-kumulang dalawang libong ektarya ng lupa ang ipinamahagi sa mga magsasaka sa Rehiyon 7.

Ang pamamahagi ng mga CLOA at titulo ng lupa ay alinsunod sa Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act, na magpapalaya sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa kanilang mga pagkakautang.

Pagkatapos sa Dumaguete City, ay nagtungo naman si Pangulong Marcos kasama si DAR Secretary Conrado Estrella III sa Tacloban City sa probinsiya ng Leyte.

Ayon sa DAR, may kabuuang lagpas limang libong titulo ng lupa ang ipinamahagi para sa rehiyon.

Sa bilang na ito, 5,400 ay electronic titles na inisyu sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.

Habang 38 naman ang CLOAs sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ang mga ito ay bahagi ng halos walong libong ektarya ng lupa na matatagpuan sa ilang bayan sa Leyte, Biliran, Southern Leyte, Western Samar, Eastern Samar, at Northern Samar.

Sa kaniyang talumpati sa Tacloban City, binigyang-diin ni Secretary Estrella na ang agrarian reform ay hindi lamang usapin ng pamamahagi ng lupa, kundi, ito ay pagbibigay rin ng support services sa mga magsasaka.

Layunin nitong mapaunlad ang buhay ng mga benepisyaryo ng agrarian reform.

“Kapag naibigay sa inyo ang lupa dapat tuluy-tuloy ang pagbibgay ng support services sa inyo. Iyan ang farm machineries and equipments. Iyan ang mga farm to market roads. Mapaganda ang nga daan sa ating nga lugar,” ayon kay Sec. Conrado Estrella III, DAR.

Tiniyak naman ni Conrado ang pagpapatupad ng scholarship program para mapag-aral ang mga anak ng agrarian reform beneficiaries.

“Naghahanap na po kami ng pondo at sa tingin ko nakahanap na po kami. Magkakaroon din po ng scholarship program ang Department of Agrarian Reform,” dagdag pa nito.

Ipinahayag pa ng DAR na P509.45-M ang halaga ng mga interbensiyon sa support services ay nakatakdang ipamahagi sa mga organisasyon at komunidad ng ARB.

Binubuo ito ng mga farm-to-market roads, mga tulay, mga proyekto sa patubig, makinarya, at kagamitan sa sakahan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble