Pagbili ng Grab sa Move It, pinalagan ng ilang grupo

Pagbili ng Grab sa Move It, pinalagan ng ilang grupo

HINAHARANG ng rider groups ang merger ng Grab at Move It sa umano’y back door negotiation daw ang partnership ng mga ito.

Dumulog sa tanggapan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang grupo ng mga rider sa isyu ng Grab at Move It deal.

Ayon sa grupo, bumabagabag sa kanila ang kasunduan ng dalawang kompanya dahil sa hindi maayos na record ng Grab sa kanilang mga rider at driver.

Dapat daw itong tugunan ng Grab bago pumasok sa ibang kasunduan.

‘Backdoor entry’ din aniya ang ginagawa ng Grab sa deal nito sa Move It- isa sa mga tatlong accredited companies na kasali sa motorcycle taxi pilot program ng gobyerno.

At kung matutuloy ang deal, makakapasok na ang Grab sa pilot program.

“Sana po ay imbestigahan itong maneuvering na ginagawa ng Grab sapagkat kami po bilang consumer, natatakot po kami,” pahayag ni Ronald Gustilo, campaigner, Digital Pinoys.

Hiling naman ng mga rider sa Kongreso na tapusin muna ang sinimulang pag-aaral ng Department of Transportation (DOTr) para balangkasin ang batas para sa motorcycle taxis bago payagan ang Grab at Move It deal.

Nauna nang bumuo noon ng technical working group si dating DOTr Sec. Art Tugade para buuin ang batas sa motorcycle taxis.

“Hindi pa plantsado kung ano ang sasapitin ng mga kapwa ko nagmomo-motor. Hindi ba sila malulugi? Advantageous ba yan?’ kwestyon ni Rod Cruz, National Chairman ng Arangkada Rider’s Allowance.

Para naman kay Congressman Chua, paiimbestigahan nito sa Kamara bilang miyembro ng House Committee Transportation ang isyu.

“Hindi lamang po pagkain ang nakasalalay dito. Buhay na po ang nakasalalay dito. Yung Grab minsan nakikita po natin ang dini-deliver food delivery pero ngayon tao na yung nakasakay eh. So kailangan ito talaga tutukan natin,” ayon kay Chua.

Samantala, giit ni Chua na isa ring abogado na premature ang deal ng Grab at Move It.

Lalo na’t ipinag-utos ng pamahalaan noon pang Disyembre 2021 na itigil ang partnership ng dalawang kompanya.

Ito’y dahil ang Move It, Angkas at Joyride lamang ang pinayagan ng pamahalaan para sa pilot run ng motorcycle taxis.

“Premature pa nga eh. So makikita mo kung bakit nila prino-cure yun because ang intention nila ang pumasok dito sa pilot testing. Na hindi naman sa kanila naibigay pa,” ayon kay Chua.

“Bakit lumabag ang Move It? Di ba? Bakit nag-pursue pa rin sila eh samantalang yun ibinibigay sa kanila. Hindi naman nila karapatan yan eh, pribilehiyo lang yan na binibigay sa kanila. So yun dapat malaman (at) ma-check natin at maimbestigahan natin in-aid of legislation siyempre,” dagdag ng kongresista.

Sa pagbabalik sesyon ngayong Nobyembre ay tututukan ni Congressman Chua ang isyu.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter