Pagbili ng karagdagang air assets mula South Korea, plano ng Philippine Air Force

Pagbili ng karagdagang air assets mula South Korea, plano ng Philippine Air Force

NAKATAKDANG bumili ang Pilipinas ng karagdagang eroplanong pandigma sa South Korea dahil sa limitadong air assets ng bansa.

Aminado ang Philippine Air Force (PAF) na malayo pa ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamalalakas na military defense sa buong mundo.

Pero sa panayam ng SMNI News kay Air Force Spokesperson Col. Maynard Mariano, hindi malayo na marating ng Pilipinas ang inaasam nitong kalidad sa air defense at iba pang military operatibility ng bansa.

Kasunod ito ng planong pagbili ng karagdagang eroplanong pandigma sa bansang South Korea.

Dagdag pa ni Col. Mariano, matagal nang kinikilala ang South Korea na may pinakamodernong kagamitang pandigma hindi lang sa panghimpapawid kundi maging sa kalupaan din.

Naniniwala ang PAF, sa pamamagitan ng makabagong pasilidad at kagamitan, madaling magagampanan ng mga kasundaluhan ang seguridad ng mamamayang Pilipino mula sa iba’t ibang banta sa bansa.

Sa ngayon, nasa 12 fighter jets lang mayroon ang Pilipinas at kulang anila ito ngayong araw, bilang bahagi ng mas malalim na ugnayan ng Pilipinas at Korea, isang world class aerobatic exhibition ang ipinagkaloob nito sa mga Pilipino nang libre para sa publiko.

Eksaktong 33 taon ngayon nang huling nag host ang Pilipinas ng international aerobatics sa pangunguna ng Red Arrows UK.

Habang taong 1999 pa nang nagkaroon ng sariling aerobatics show ang Pilipinas sa pangunguna ng Blue Diamonds at Red Aces.

Ginamit ng Korea ang kanilang siyam na T-50B Golden Eagle Super-Sonic Aircraft.

Batay sa impormasyon ng PAF, mahigit 3 dekada rin ang inabot ng bansa bago muling nagkaroon ng kaparehong aktibidad.

Ayon sa impormasyon, kilala ang Black Eagles sa buong mundo dahil sa nakamamangha nitong air shows sa ibang bansa tulad ng United Kingdom, Poland, at Egypt habang ang Pililipinas naman ang huli nitong destinasyon bago bumalik sa kanilang bansa.

Mula dito, aminado ang ilang opisyal ng Philippine Airforce na hindi pa huli ang lahat na muling makuha ng Pilipinas ang dating estado ng bansa na may pinakamagagaling na fighter jets sa buong mundo sa ilalim ng pamumuno noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.

At sa ilalim ng bagong administrasyon ngayon, umaasa sila na hindi ito magiging imposible sa lalong madaling panahon lalo na sa malalaking hamon na kinakaharap ngayon ng bansa partikular na sa laban sa insurhensiya.

Follow SMNI News on Twitter