PINANININDIGAN ni Sen. Panfilo Ping Lacson na posibleng may korupsiyon sa pagbili ng bansa ng Sinovac Vaccine na gawa mula sa bansang China.
Ito aniya ay kung pagbabatayan ang $5 dollars o P240 pesos na kada turok na presyo ng Sinovac sa ibang mga bansang naunang nakipagtransaksyon sa kompanya at sa $38 o mahigit P1,800 per dose na ibinabalitang presyo ng nasabing bakuna sa Pilipinas.
Sinabi rin ng senador na ayon sa nabasa niyang Bangkok Post na batay sa figures ng World Health Organization at mga manufacturer ay nasa $5 lamang ang presyo ng bawa’t dose ng Sinovac.
Mababang-mababa aniya ito kumpara sa naunang isinumite ng Department of Health (DOH) sa Senate Committee on Finance sa budget deliberation noong Nobyembre, na nasa P3,629.50 ang halaga ng dalawang turok ng nabanggit na bakuna.
Una namang sinabi ni Presidential Spokersperson Harry Roque na BFF price ang nakuhang presyo ng bansa para sa Sinovac habang si Vaccine Czar Carlito Galvez ay tiniyak din na mas mura ang Sinovac kaysa sa ibang bakuna kontra COVID-19.
Samantala, sa muling pagbubukas ng session sa Senado ngayong araw ay isa sa magiging priority nito ay ang maratipikahan ang Bicameral Reports sa Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Bill na layuning maipababa sa 20 percent ang corporate income tax.
Priority din ng Senado na maratipikahan ang Coconut Levy Trust Fund Bill na nais namang gawing simple ang procedure at requirement para pamimigay ng titulo, ipapasa na rin sa third reading ang amendments para sa Anti Money Laundering Act o AMLA.
Tatalakayin din ng Senado ang ilang amendments para sa Retail Trade Liberalization Act, Increasing the Age of Statutory Rape, at Public Services Act.
Pag-uusapan na rin sa Senado ang paglikha ng Department for OFWs, E-governance Act, Military and Uniformed Personnel Services Separation, Retirement and Pension Act, Expanded Solo Parents Welfare Act at ang the Internet transactions Act.
Mahaba din ang listahan ng Senado sa mga panukalang ipapasa nito sa ikatlong pagbasa na hindi pa naaprubahan sa Kamara.