BINEBERIPIKA na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang ulat hinggil sa ilang guro na umano’y bumibili ng ready-made research papers para sa kanilang promotion at funding.
Matatandaang ipinanawagan ni Senate Basic Education Committee Chair Sherwin Gatchalian sa DepEd na imbestigahan ang naturang kaso matapos makarating sa senador ang isang Facebook post kaugnay ng umano’y pag-i-inquire ng ilang guro para sa ready-made papers.
“The Department of Education should immediately probe incidents of teachers allegedly buying ready-made action research papers for promotion or funding,” pahayag ni Gatchalian.
“These unethical practices show lack of integrity and should not be tolerated. I am also urging the department to institute mechanisms that would thoroughly vet research output submitted by teachers,” dagdag ng senador.
Kaugnay nito, iginiit naman ng DepEd na hindi nito kinukunsinte ang mga ganitong uri ng panloloko.
Sa isang pahayag, sinabi ng kagawaran na may nakalatag itong Research Management Guidelines na siyang nagtitiyak na ang bawat research proposals at studies ay alinsunod sa ethical standards
Sa ilalim ng panuntunan, pinagsusumite umano ang mga guro ng tinatawag na anti-plagiarism and absence of conflict of interest declaration na isinasailalim pa sa validation ng isang research committee.
Babala ng DepEd, sinumang mahuhuling nangongopya ng research ay ma-blacklist sa anumang grant mula sa ahensiya.
Habang iniimbestigahan naman ang isyu, hinikayat ng DepEd ang publiko na i-report ang anumang fraudulent research studies upang agad din itong maaksyunan ng kagawaran.