HINDI nagpahuli ang dating Presidential Adviser on Political Affairs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na si Jacinto “Jing” Paras na magbigay ng komento sa pagbibitiw sa puwesto ni Vice President Sara Duterte bilang DepEd Secretary at NTF-ELCAC Vice Chairperson.
Ayon kay Paras, ang pagbibitiw bilang miyembro ng gabinete ng Marcos administration ni VP Sara ay isang mensahe para sa mga Pilipinong nasasakripisyo ang kanilang buhay sa pamamahala ni Bongbong Marcos Jr.
Gaya aniya ng nangyari kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong kaniyang pinalitan sa puwesto si dating Pangulong Joseph Estrada sa pamamagitan ng EDSA 2 dahil sa iba’t ibang isyu na kinakaharap nito.
At ngayong nahaharap din aniya ang administrasyon sa iba’t ibang isyu kabilang pa ang tensiyon sa West Philippine Sea (WPS), di aniya malayo na ang hakbang ni VP Sara ay mauwi sa People Power 3.
“The Vice President will precipitate an action on the part of many Filipino who are suffering the incompetence, the lack of action. ‘Yung kahirapan, korapsiyon, gutom, and everything, this will precipitate. This is nothing new as I said, kasi nangyari na nga ito kay Gloria Macapagal-Arroyo, remember GMA was the vice president. The people rose in a legal action in going to the EDSA 2 process, we don’t deny the fact that this also can precipitate to EDSA 3,” ayon kay Jacinto “Jing” Paras, Former Presidential Adviser on Political Affairs of the Philippines.
Binigyang-linaw rin ni Paras na ang EDSA People Power ay hindi pinagbabawal ng batas, sapagkat ito ang karapatan ng bawat Pilipino na maipahayag ang kanilang hinaing laban sa gobyerno sa isang demokrasyang paraan.
“’Wag tayong matakot, nasa tatakutin na, because People Power has become part of the law of our land. In fact, pinalakpakan pa nga si Cory Aquino ng mga congressmen at senador sa America for driving away dictator,” ani Paras.
Naniniwala naman si Paras na ang ginawang aksiyon ng bise presidente ay isang oportunidad sa mga Pilipinong umaasa na kaya pang makabangon muli ang bansa kung magkakaisa.