Pagbubukas ng klase, ipinagpaliban ng DepEd sa Oktubre 5

Pagbubukas ng klase, ipinagpaliban ng DepEd sa Oktubre 5

INIURONG na ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase sa Oktubre 5 mula sa nakatakda sanang pagsisimula nito sa Agosto 4.

Inanunsyo ito ni DepEd Secretary Leonor Briones kung saan opisyal nang inilipat ang opening of classes sa bansa sa Oktubre 5.

Batay sa inilabas na memorandum ng Office of the President, nakasaad na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon na isinumite ng DepEd na ipagpaliban muna ang pagbubukas ng klase sa mula Agosto 24.


Ito ay sa bisa na rin ng Republic Act No. 11480 na nagbibigay ng kapangyarihan sa Punong-Ehekutibo na i-reschedule ang pagsisimula ng school year 2020-2021.

“Pursuant to the instructions of President Rodrigo Roa Duterte, and as recommended by DepEd, the opening of classes is deferred to October 5, 2020.” Sec. Leonor Briones, DepEd

 

Ilalaan naman ng DepEd ang panahon habang naka-postpone ang class opening para sa pagbibigay ng tulong sa logistical limitations na kinakaharap sa mga lugar na isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Mabibigyan din ng dagdag panahon ang mga guro, magulang at mag-aaral para paghandaan ang pasukan.

Inaatasan ang nasa sektor ng edukasyon na nasa mga lugar na hindi napasailalim sa MECQ na ipagpatuloy ang kanilang orientations, dry runs, at delivery ng learning resources upang matiyak ang matagumpay na kahandaan ng opening of classes sa Oktubre 5.

Tiwala ang DepEd na ito na ang huling adjustment sa school year opening.

Una rito, nagsagawa ng pagpupulong ang mga regional director ng kagawaran upang pag-usapan ang hinggil sa mga panawagang iurong ang pasukan.


Samantala, inihayag naman ni ACT Teachers Rep. France Castro na napilitan lamang aminin ng DepEd na hindi pa handa para sa ligtas at dekalidad na pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24 matapos ang napakaraming panawagan na may kinalaman sa kalagayan ng sistema ng edukasyon.

Umaasa ang mambabatas na gagamitin ang panahong ito para siguraduhing pagdating ng October 5, ay ligtas at kalidad ang ibibigay nitong edukasyon sa mga kabataan at hindi maging dagdag na pahirap para sa mamamayan.

Dagdag pa ni Castro, dapat mag-implementa rin ng health at safety guidelines para sa mga guro, mga estudyante, magulang, at non-teaching personnel.

Matatandaang, naging maingay ang panawagan ng iba’t-ibang grupo maging ng mga mambabatas na ipagpaliban muna ang opening of classes dahil kwestyunable pa anila ang kahandaan ng DepEd para sa online at blended learning na ipatutupad.




Nakiusap ang Teacher’s Dignity Coalition (TDC) at Alliance of Concerned Teachers (ACT) na i-postpone muna ang Agosto 24 na pasukan dahil lubha anilang mapanganib sa kalusugan ng mga bata, ng mga guro at mga magulang na buksan ang klase.

Tumataas din anila ang bilang ng mga guro at kawani ng edukasyon na tinatamaan ng coronavirus dahil sa pag-obliga sa kanilang pumasok sa mga paaralan para ihanda ang balik-eskwela.

Noong Hulyo, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Republic Act No. 11480 na nagbibigay ng kapangyarihan sa kaniya na magtakda ng bagong petsa ng pasukan sa harap ng state of emergency dahil sa COVID-19 pandemic.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.