MULING sumiklab ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS) matapos harangin ng Chinese Coast Guard at bugahan ng water cannon ang dalawang bangka ng Pilipinas na maghahatid lang sana ng supply sa Ayungin Shoal.
Umalma dito ang Department of Foreign Affairs (DFA) at naghain na rin ng protesta laban sa China.
Nangyari naman ang insidente sa gitna ng magandang samahan ng Pilipinas at China sa isyu ng COVID-19 response.
Pero kahit maraming Pilipino ang naghihimutok sa galit dahil sa pambu-bully ng China, diplomasya pa rin ang solusyon dito ng mga eksperto.
Ayon sa political analyst na si Anna Malindog, ang pagbuo ng Code of Conduct sa pinag-aagawang teritoryo sa WPS ang isa mga solusyon.
“So for me, how to resolve this issue? For me we need to work on the COC or the code of conduct of the South China Sea. The COC is not a mechanism that will settle sovereign disputes but it will provide us guidelines and rules on how countries or claimant states in the South China Sea,” pahayag ni Malindog.
Diin din ni Malindog na dapat ring magpasya ang Pilipinas kung ano ang mahalaga- ang mutual relationship ba nito sa China na siyang number 1 donor ng mga bakuna kontra COVID-19 o ang magpadala sa udyok ng malalaking bansa.
“Also the Philippines must make a conscious effort to decide which is much more important to have mutually beneficial or pragmatic cooperation or to be used by an external power to have a confrontation with China on sovereignty issues,” ayon kay Malindog.
Nanindigan naman si Malindog na diplomasya pa rin ang pinakamainam na paraan para maresolba ang isyu sa China.
Samantala, iginiit ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang soberanya ng Pilipinas sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lorenzana na ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone o EEZ kung saan may sovereign rights ang bansa.
Ang EEZ aniya ay binigay sa Pilipinas ng 1982 UNCLOS na pinagtibay rin noon ng China.
Ayon kay Lorenzana, meron ang Pilipinas ng dalawang dokumento na nagpapatunay na meron ang bansa ng sovereign rights sa EEZ.
Habang ang China ay wala at ang kanilang territorial claim ay walang basehan.
Dahil dito, iginiit ni Lorenzana na maaring gawin ng Pilipinas ang lahat sa Ayungin Shoal at mismong ang China ang nagte-trespassing.
Ang pahayag ni Lorenzana ay tugon sa sinabi ni Chinese foreign ministry Spokesman Zhao Lijian na Ayungin Shoal ay bahagi ng Nansha Qundao ng China.
“Thus the Philippines and China overcome their misunderstanding of the recent Second Thomas Shoal incident and deliberately work together rather than against each other through strategic bilateral partnership in order to fulfill their common aspiration to make South China Sea a shared home where nations can enjoy a community of peace, friendship and cooperation,” pahayag naman ni Dr. Rommel Banlaoi, president ng Philippine Association for Chinese Studies.