APRUBADO na sa Commission on Elections (COMELEC) en banc ang pagbuo ng National Task Force para sa Oplan Baklas laban sa premature campaigning.
Ang task force ay binubuo ng election officers, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine National Police (PNP), Department of Public Works and Highways (DPWH) maging ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon kay COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco, ang National Task Force ang magbibigay ng guidance sa mga Local Task Force para sa operasyon ng pagtatanggal ng mga poster at election paraphernalia na ginagamit para sa maagang pangangampanya.
Maliban sa pagtatanggal o pagbabaklas ng posters ay ang paggawad ng notice laban sa mga kandidato na lumabag at sila ay pagpapaliwanagin din ng komisyon kung bakit sila lumabag.
Ang mga natanggal na posters ayon kay Laudiangco ay maging ebidensiya laban sa mga violator na maaring magbigay-daan para sa kanilang diskwalipikasyon.
Giit ni Laudiangco, sa Oktubre 19 pa maaring mangampanya ang mga kandidato para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).