BINIGYANG-diin ng dating Palace official na dapat busisiin ang hiling na pondo ng lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Ang reaksiyon nito ay kasunod ng mabilis ng pagkakapasa ang proposed budget ng Office of the President (OP) sa komite sa Senado.
“Mali ‘iyong tradisyon. Kasi nga dapat talaga sinusuri mo ang budget ng lahat ng opisyal ng gobyerno sapagkat pera ng taumbayan iyan,” ani Atty. Salvador Panelo, Former Chief Presidential Legal Counsel.
Hindi sang-ayon si Atty. Panelo na basta na lamang palusutin ang proposed budget ng isang ahensiya o tanggapan ng gobyerno.
Kasunod ito ng mabilis na pagkakapasa ng P10.5-B 2025 proposed budget ng Office of the President sa komite sa Senado.
Ang mabilis na pagpasa ng proposed OP budget ay bahagi umano ng tradisyon sa Senado at respeto sa pinakamataas na tanggapan sa gobyerno.
“Hindi pupwede iyong tradisyon at kortesiya.
“Ang ibig sabihin kortesiya ay huwag mong babastusin kung magtatanong ka. ‘Yung matino na tanong hindi ‘yung hihiyain mo ‘yung head ng isang ahensya.
“‘Yun lang ang ibig sabihin n’un, hindi ‘yung pababayaan mo makapasa nang wala lamang pagsusuri,” giit ni Atty. Panelo.
Inihalimbawa naman dito ni Atty. Panelo ang ginawang pagbusisi ng Kamara sa budget ng Office of the Vice President (OVP) sa ilalim ng pamamahala ni Vice President Sara Duterte.
Aniya, matapos humarap at maipresinta ni VP Sara sa komite ang paglalaanan ng pondo ng OVP sa susunod na taon ay ipinauubaya na nito sa mga mambabatas ang magiging budget ng tanggapan.
Sa plenary deliberations ng Kamara sa panukalang budget para sa susunod na taon nitong Lunes, ay ipinagpaliban ang pagtalakay sa pondo ng OVP dahil sa hindi pagsipot ni VP Sara at ng iba pang opisyal nito.
Bagay na ginawan naman ng maling balita ng ilang media outlet kung saan nag-beach outing umano ito.
Mariin naman itong itinanggi ng OVP at isa umano itong pagpapakalat ng maling impormasyon.