MAINAM na binuwag ng Department of National Defense (DND) ang 1989 UP-DND Accord ayon kay dating CPP-NPA cadre Jeffrey Celiz o mas kilala bilang Ka Eric sa panayam ng SMNI News.
“This has been long overdue itong move ni National Defense Secretary Lorenzana. Nonetheless, this is a milestone and a very historical move na pinapalakpakan. Matagal na panahon na sana ‘yang ni-review at sinabihan ang U.P. na – “You are under the authority of one republic. ‘Di kayo nabubuhay sa inyong sariling mundo,” pahayag ni Ka Eric.
Matatandaan na ang 1989 UP-DND Accord ay isang agreement sa pagitan ng University of the Philippines at Department of National Defense kung saan pinipigilan nito ang panghihimasok ng mga militar sa UP kung wala itong paunang notice na ipapasa sa administrasyon ng paaralan.
Nag-ugat ang nasabing agreement noong 1982 na kilala bilang Soto- Enrile Accord dahil sa martial law na ipinapairal noon ni Ferdinand Marcos at ito aniya ang nagsisilbing proteksyon sa mga estudyante mula sa karahasan ng pamahalaan.
Nakatutulong din ito para mas maging malaya umanong maipahayag ng mga kabataan ang kanilang saloobin laban sa pamahalaan sa panahong Marcos.
Mas naipagtibay pa ito noong 1989 na siyang naging UP-DND Accord matapos isang staffer ng UP Campus na si Donato Continente ay inaresto ng mga sundalo at pulis.
Napaulat si Continente na tinorture at pinilit na pinaamin sa kasalanang hindi niya ginawa.
Subalit ayon kay Ka Eric, ito naman ang naging dahilan kung bakit malayang pinamumugaran ng makakaliwang grupo ang unibersidad.
“Saan ka nakakita na si Joma Sison (CPP-NPA Chairman), libreng-libre mag-zoo diyan. Magbibigay ng order kina Teddy Casiño, kina Satur Ocampo in the guise na nag-uusap sila patungkol sa COVID-19 pandemic at krisis ng lipunang Pilipino…(pero) Ang kanilang pag-uusap tungkol sa pag-uudyok, pag-aalsa, pag-oorganisa, pagpapakilos ng mamamayan upang lumaban sa gobyerno sa loob mismo ng premiere state university (U.P.). Saan ka nakakakita na wala tayong authority to check that?” kuwestyon ni Ka Eric.
Dagdag pa ni Ka Eric, mas mainam na din na buwagin ang mismong UP administration dahil karamihan sa mga pinuno nila ay kaanib ng makakaliwang grupo.
“Ang U.P. administration kung ako ang tatanungin n’yo, dapag buwagin din ‘yan at lagyan ng tamang administration. Ang gobyerno ang may karapatan, tama si Pangulong Duterte, para patakbuhin ang U.P…sila lang ba ang marunong magpatakbo ng isang unibersidad? Lagyan dapat ‘yan ng mga mas matino na mga educators, academicians kahit hindi taga U.P.,” ani Ka Eric.