PINAGALITAN ni Senator Win Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) dahil sa pagbibigay nito ng provisional license sa tinaguriang mga “high-risk” na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Ayon sa senador, sapat na batayan ang naturang klasipikasyon na “high risk” para tanggihan ng regulator ang aplikasyon ng mga ito sa pagkuha ng lisensiya.
Sa kaso ng Zun Yuan Technology Inc., ang kompanya ng POGO na nakabase sa Bamban, Tarlac na kamakailan ay ni-raid ng pulisya, inamin mismo ng PAGCOR na ito ay “high-risk” batay sa risk profiling nito pero binigyan pa rin ng provisional license.
“Kapag high-risk, hindi na dapat payagan dahil ibig sabihin delikado na ‘yan. At totoo nga, nagtuluy-tuloy pa ang ilegal na operasyon nila. Kung walang mga complainant, baka marami pang human trafficking, torture, at mga online scam ang nangyari,” saad Sen. Win Gatcahlian.
“Iminumungkahi ko na dahil sinimulan na ng PAGCOR ang risk profiling sa mga aplikante ng internet gaming licensees o IGL, ang mga nauuri bilang high-risk ay hindi dapat payagang mag-operate,” aniya.
Giit ni Gatchalian na ang mga nauuri bilang “high risk” ay hindi na dapat payagan na mag-operate, kahit walang nagrereklamo aniya ay posibleng may nangyayaring human trafficking, torture, o mga online scam.
Ayon pa sa senador, nagdulot ng problema ang provisional license.
“Kayo mismo ang lumalabag sa inyong sariling mga alituntunin at iyon ang dahilan kung bakit ang lahat ng mga krimen na ito ay nangyayari,” sabi niya sa mga opisyal ng PAGCOR.
Ipinunto ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na ang proseso ng pagbibigay ng provisional license ay hindi naman kasama sa guidelines na mismong PAGCOR ang bumalangkas para pangasiwaan ang operasyon ng mga POGO sa bansa, na ngayon ay tinatawag na IGLs.
Ipinunto rin ni Gatchalian na nabigo ang Zun Yuan na matugunan ang requirement ng PAGCOR para sa authorized capital stock (ACS) na P100 milyon. Batay sa rekord, hindi pa natutugunan ng Zun Yuan ang minimum capital requirement noong inisyu ng PAGCOR ang provisional license.
Gayundin, nabigo ang PAGCOR na magsagawa ng maayos na probity check dahil nabigo itong makita na ang address ng tirahan ni Jamielyn Cruz, ang Chairman ng Board ng Zun Yuan, ay pineke dahil non-existent ito, ayon kay Gatchalian.
Matagal nang isinusulong ng senador na ipasara na ang mga POGO sa bansa. Ayon sa senador ginagamit lang ng mga kawatan ang kunwari’y legitimate license nila para lokohin ang gobyerno.