Pagdagdag ng mga negosyong bubuksan sa Metro Manila, suportado ng OCTA Research

Pagdagdag ng mga negosyong bubuksan sa Metro Manila, suportado ng OCTA Research

SUPORTADO ng OCTA Research group ang pagdagdag ng mga negosyong bubuksan sa Metro Manila kasunod ng pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa rehiyon.

Naniniwala ang OCTA Research Group na batay sa mga kasalukuyang datos ay ligtas na buksan ang mga iba pang negosyo sa National Capital Region (NCR) na maituturing ng nasa “low risk” sa COVID-19.

Ayon kay OCTA Research Fellow Dr. Guido David, suportado nilang ibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila sa kalagitnaan ng Nobyembre para naman makabawi aniya ang mga negosyo.

Subalit aniya ito ay dapat gawin sa isang ligtas na paraan.

Dagdag ni Guido na gumaganda na rin ang vaccination rate sa NCR kung saan higit 80% na sa adult population ng rehiyon ay fully vaccinated na laban sa sakit na ibig sabihin ay mas bumababa na ang tsansa ng resurgence o hawaan.

“We support iyong pag-relax sa Alert Level 2 para makabawi ang ating mga negosyo, pero we should do so in a safe manner. Ganoon naman lagi iyong recommendation natin, kailangan sumusunod pa rin tayo sa protocols. Iwas muna tayo sa mga large gatherings at mga congregations at iyon nga, sundin lang ho natin iyong ‘3Cs’ and minimum public health standards,” pahayag ni Dr. David.

Sa ilalim ng Alert Level 2, maaari nang magtaas sa 50 porsiyentong kapasidad ang mga establisimyento at karagdagang 10 porsiyento sa mga mabibigyan ng safety seal.

Maaari naman itaas sa 70 porsiyento ang kapasidad sa mga outdoor dining.

Paglilimita ng 100% public transportation capacity sa mga fully vaccinated

Samantala, nirekomenda rin ng OCTA Research group ang paglilimita ng 100% public transportation capacity sa mga indibidwal na nakumpleto na ang kanilang mga bakuna laban sa COVID-19.

“I-restrict sana iyan to mga fully vaccinated na passengers pero sa ngayon naman kung sa Metro Manila ay malapit na tayo, nasa 96% na tayo ng may first dose, it means siguro iyong adults natin malapit na tayo sa 100% fully vaccinated na adults sa Metro Manila,” ayon kay David.

Patuloy na nakikitaan ng OCTA Research nang pagbuti ng sitwasyon ng COVID-19 sa Metro Manila.

Bumaba na sa 5% ang positivity rate ng NCR na isang indikasyon na bumababa na talaga ang mga kaso sa rehiyon.

Malaking pagbaba ito mula sa 25% ng positivity rate sa kasagsagan ng hawaan nakaraang mga buwan.

Bumaba rin ang reproduction rate o ang bilang nang nahahawa ng may COVID-19 sa NCR sa 0.53.

Bagamat may positive one week growth rate sa ilang lungsod sa Metro Manila, nasa less than 0.9 naman ang reproduction number sa lahat ng labing pitong lungsod.

SMNI NEWS