Pagdagsa ng mga pasahero sa NAIA Terminal 1, asahan sa paglipat ng int’l flights ng PAL

Pagdagsa ng mga pasahero sa NAIA Terminal 1, asahan sa paglipat ng int’l flights ng PAL

HIGIT 20 na mga international flight ng Philippine Airlines (PAL) ang nailipat na sa NAIA Terminal-1 simula araw ng Biyernes.

Maaga pa lang sinimulan na ang ginawang pag-iinspeksiyon ni Manila International Airport Authority (MIAA) officer in-charge Bryan Co sa NAIA Terminal-1.

Mula sa dating 17,000 na mga pasahero ang dumadagsa bawat araw sa naturang terminal, asahan na ito na aakyat sa higit 20,000 ang bilang ng mga pasaherong darating sa NAIA Terminal 1 simula mailipat ang mahigit 20 international destination ng PAL mula sa NAIA Terminal 2.

Kasabay ng pag-iikot ng mga opisyal ng MIAA, nagsagawa rin ng inspeksiyon si Commissioner Norman Tansingco para alamin ang sitwasyon ng mga pasahero na pumipila sa Immigration counter.

Sa kanilang pag-uusap ni Co madadagdagan ang Immigration counter sa NAIA Terminal 1

Ilang mga pasahero ng PAL, inirereklamo ang biglaang pagkansela ng kanilang flight

Samantala, sa unang araw pa lang ng paglilipat ng PAL international flights sa NAIA Terminal 1, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang ilang mga pasahero dahil sa biglaan pagkansela ng kanilang biyahe na walang maagang abiso.

Kagaya ni Adrian na may nakatakdang flight patungong Hong Kong at ni Danica papuntang Malaysia.

Aircraft maintenace umano ang dahilan ng pagkakaaberya ng mga flights.

Sa opisyal naman na pahayag ng Philippine Airlines, humihingi naman ng paumanhin ang naturang airline dahil sa pagtaas ng bilang ng kanilang mga eroplano na nasa preventive maintenance bunga na rin ng mataas na demand ng mga manlalakbay matapos ang pandemya.

Paliwanag din ng PAL ang kaligtasan at ang kapakanan ng mga pasahero ang prayoridad ng naturang airline.

Dahil dito, ang ilang sasakyang panghimpapawid ay nangangailangan ng preventive maintenance nang mas maaga kaysa sa naka-iskedyul na flight na nauwi sa biglang pagkansela ng mga biyahe.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter