POSITIBO ang pananaw ng isang ekonomista na magiging mabunga ang pagbisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa World Economic Forum sa Davos, Switzerland.
Kasabay ng kaniyang economic team ayon sa Department of Foreign Affairs, ibabahagi ni Pangulong Marcos sa mga global leader at mga Chief Executive Officer ang kasalukuyang economic performance ng bansa.
“The President goes to Davos at a time when our country, and our region is recovering, well, from past challenges where projections remain high for economic growth in our country and our region. And we have a realization in our region that individual and collective economic potential remains great, and there is a lot of hope and optimism. So it’s a good time for our country in representing our country and our region to be in Davos at this time,” ayon kay Usec. Carlos Sorreta, Department of Foreign Affairs.
Dagdag ni Sorreta na si Pangulong Marcos lamang ang tanging lider mula sa ASEAN na pupunta sa Davos at isa sa dalawang pinuno mula sa Asya.
Lalahok ang Pangulo sa mga high-level dialogue session kasama ang ibang mga lider tulad ng presidente ng South Africa, prime minister ng Belgium, pangulo ng European Commission at iba pa.
Inaasahan din na magsasalita si Pangulong Marcos sa mga isyu tungkol sa global nutrition sa isang stakeholder dialogue.
Pagdalo ni PBBM sa WEF, malaking tulong para i-promote ang economic interest ng bansa
Para sa isang ekonomista, malaking tulong ang pagdalo ni Pangulong Marcos sa Davos Forum para mai-promote ang economic interest ng bansa sa mga world leader at mga negosyante.
“Sa pakikilahok niya dito sa World Economic Forum sa darating na Linggo ay ito’y makakatulong sa atin na magkaroon tayo ng stronger relationship sa mga ibang bansa para mapromote din ang economic interest ng Pilipinas sa international stage,” ayon naman kay Dr. Michael Batu, Economist.
Posible rin ani Batu na makapag-uwi si Pangulong Marcos ng investment pledges mula sa pagsali sa nasabing forum sa pamamagitan ng pag-showcase ng mga magagandang development sa ekonomiya ng bansa.
Ilan sa mga pwedeng ipagmalaki ng Pangulo aniya ay ang mataas na growth rate ng ekonomiya, umuusbong na tourism industry at ang madaling proseso ng pamumuhunan sa bansa.
Maharlika Investment Fund, magandang ibahagi sa WEF – ekonomista
Dagdag pa ng ekonomista na maganda ring oportunidad na maibahagi ni Pangulong Marcos sa nasabing forum ang tungkol sa Maharlika Investment Fund.
“The World Economic Forum is one of the best places or platforms to showcase the first-ever sovereign wealth fund ng ating bansa which is pinangalanan nga na Maharlika Investment Fund. Pag prinesent ito ng ating pangulo maaari ito na makahikayat ng mga kumpanya na maging interesado sa Maharlika Investment Fund,” dagdag ni Dr. Batu.
“Pagka nagkaroon ng maraming negosyo sa ating bansa meaning na maraming darating na mga foreign direct investment, iyan ay makakatulong niyan para rin makagenerate ng revenues ang ating pamahalaan. At yung revenues na iyan na na-generate ay posibleng makatulong sa pagdagdag sa kapital ng sovereign wealth fund,” aniya pa.
Una na ring sinabi ng DFA na nais ni Pangulong Marcos na maipresenta sa mga global at business leader sa World Economic Forum ang Sovereign Investment Fund.
Samantala, may mga sideline activities si Pangulong Marcos sa pagpunta niya sa Switzerland kabilang ang pagdalo sa ilang business meetings.
Makikipagkita rin ang Pangulo sa mga Filipino community.