Pagdating ng 15-K dosis ng Sputnik V sa bansa ngayong araw, kanselado

KINUMPIRMA ng Manila International Airport Authority (MIAA) na muling nakansela  ang pagdating ng 15,000 dosis ng Sputnik V vaccine na inaasahang darating sana mamayang 10:00 ng gabi.

Mayo  1 ang bagong takdang panahon ng pagdating ng naturang bakuna na lulan ng Qatar Airways Flight QR 932 mula  Moscow- Doha Qatar to Manila na lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal-3.

Matatandaan na una nang na-delay ng dalawang araw ang pagdating ng naturang bakuna sa bansa bunga na rin ng ilang logistic issues at export requirements sa bahagi ng Russia.

Sinabi ni Deputy Chief Implementer NTF Against COVID-19 Secretary Vince Dizon na kung dumating ang bakuna, ito ay gagamitin sa Metro Manila.

Limang LGU lamang ang maaaring makakuha ng naturang bakuna, kabilang na dito ang lungsod ng Maynila, Taguig, Makati, Parañaque at Muntinlupa kung saan tig 3,000 dosis ang maipagkakaloob sa kanila.

Ang naturang mga LGU ang napili dahil sila lamang ang may sapat na sariling cold storage facility at mga na-train na mga taong hahawak sa Sputnik.

Matatandaan Agosto 2020 nang aprubahan ng Russia ang pagamit sa Sputnik V vaccine.

Ipinagkaloob na rin ng Food and Drug Administration (FDA) ang Emergency  Use Authorization sa bakuna kaya maaari nang simulan ang vaccination program ng Sputnik V sa pagdating nito sa bansa.

Nabatid na ang Sputnik V ay mayroong efficacy rate na aabot sa 91.6 percent at ia-administer sa pamamagitan ng dalawang dose.

May dalawang uri ang Sputnik V vaccine ito ay ang likodo at pulbos.

Ang liquid dose ay kinakailangang ilagay sa ultra cold temperatures habang ang powder naman ay ihahalo sa tubig bago ibakuna na dapat ilagay sa normal fridge na 2-8 degrees Celsius.

Inaasahan namang nasa 480,000 dose ng bakuna mula a Sputnik V ang darating sa bansa.

(BASAHIN: Wala pang nabalitaang adverse events sa Sputnik V ng Russia —FDA)

SMNINEWS