KINUMPIRMA ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagdating ng 21 Filipino seafarers mula Ukraine ngayong araw.
Sakay ng Philippine Airlines Flight PR 659 ang nasabing mga seafarer na lalapag pasado alas 8:00 ngayong umaga sa NAIA.
Ayon sa DFA, sa pagsisikap ng Philippine Embassy sa Budapest at ng Philippine Honorary Consulate sa Moldova, nakapasok ang mga marino sa Moldova mula sa Ukraine.
Mula sa Chisinau, dinala ang mga Pilipino sa Romania kung saan sila nakarating madaling araw noong Marso 4.
Ang mga Pilipinong tripulante ay inilikas mula sa M/V S-Breeze, isang bulk carrier, na nasa dry-dock para sa pagkukumpuni sa Ilyichevsk ship yard sa Port of Odessa, Ukraine mula noong Enero 27, 2022.
Ayon din sa DFA, ang isa pang grupo ng mga seafarer ay tumawid sa border ng Moldova sa pamamagitan ng honorary consul sa Moldova.
Ang 13 sa 31 tripulante ng Star Helena ay matagumpay din na inilikas mula sa Chornomorsk at naghihintay na rin sa kanilang pagpapauwi sa bansa.
Samantala, dahil sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Ukraine at Russia, itinaas na ng DFA ang crisis Alert Level 4 sa lahat ng lugar sa Ukraine.
Sa ilalim ng naturang alert level magkakasa ang gobyerno ng mandatory evacuation na gastos ng pamahalaan.
Sa huling tala, umabot na sa 36 individuals kasama na ang mga dependent ng mga Filipino ang nakauwi na dito sa bansa mula Ukraine, habang patuloy pa rin ang ginagawang pagsisikap ng DFA na mailikas pa rin ang mga kababayan natin doon.