Pagdating ng AstraZeneca vaccine sa Pilipinas, maantala ng isang linggo

MAANTALA ng isang linggo ang pagdating ng AstraZeneca sa Pilipinas matapos magkaroon ng isyu sa global supply ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

“Mayroon lang balita kasi na hindi matutuloy dahil nga ang sabi ng WHO (World Health Organization) nagkaka-problema sila sa supply so maaantala daw ng isang linggo,” ayon kay kay Duque.

“Although kinonfirm nila kahapon na darating bukas ng 12:50 pero kanina tumanggap kami ng komunikasyon na nagsasabi [na] hindi daw matutuloy, baka isang linggo pa,” aniya pa.

Inaasahang makatatanggap ang Pilipinas ng 525,600 dosis ng AstraZeneca sa ilalim ng COVAX Facility, isang mekanismong pinangungunahan ng WHO upang matiyak ang pantay na pag-access ng bakuna lalo na sa low hanggang middle-income na mga bansa.

Una nang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na kuwalipikado ang bansa na makakuha ng libreng bakuna ng hanggang 15 porsiyento ng populasyon nito sa ilalim ng COVAX Facility.

SMNI NEWS