HINDI inaksyunan ng Korte Suprema ang mosyon ng Office of the Solicitor General (OSG) kaugnay sa mga panuntunan sa pagkuha ng deposition o out-of-court testimony sa Pinay na nasa death row sa Indonesia na si Mary Jane Veloso.
Ang deposition ni Veloso ay laban sa mga itinuturong illegal recruiters nito na sina Julius Lacanilao at Maria Cristina Sergio na nahaharap sa mga kasong human trafficking at estafa.
Nakasaad sa ruling ng Supreme Court Special Third Division na ipinauubaya nito sa Department of Justice (DOJ) at iba pang executive department agencies ang pagkausap sa Indonesian authorities.
Iginiit pa ng Korte Suprema na nasa kapangyarihan o hurisdiksyon ng ehekutibo ang paghawak sa mga bagay na patungkol sa foreign relations at negotiations.
Nauna dito ay naghain ng mosyon sa SC ang OSG patungkol sa inilabas na kondisyon ng Indonesia sa deposition na conflict o taliwas sa guidelines na inisyu ng Trial Court at Korte Suprema.
Ipinaliwanag ng Supreme Court na ang nais ng OSG na pagbuo ng guidelines sa pagsasagawa ng deposition ni Veloso ay pag-amyenda na sa pinal na desisyon ng korte na hindi naman maaaring gawin ng Korte Suprema.