ITINANGGI ni South Korean President Yoon Suk Yeol na isang uri ng rebelyon ang pagdeklara niya ng Martial Law noong nakaraang linggo.
Aniya, ginawa niya iyon para sa bansa matapos inakusahan niya ang oposisyon na Democratic Party na nakikisimpatiya sa North Korea at pumapabor sa anti-state activities ng mga ito.
Sinabi pa nito na hindi siya hihinto sa pakikipaglaban para mapigilan ang mga puwersa at criminal groups na nagnanais na maparalisa ang South Korean Government.
Samantala, ‘detained’ na sa kasalukuyan ang national police chief ng South Korea at ang top officer nila sa Seoul.
May kaugnayan ang kanilang detention sa panandaliang deklarasyon ng Martial Law noong nakaraang linggo.
Maliban sa dalawa ay inaresto na rin si Kim Yong Hyun, ang dating defense minister ni South Korean President Yoon Suk Yeol dahil sa mga alegasyon na may malaki itong papel sa posibleng rebelyon at pang-aabuso ng kapangyarihan.