Pagdeklara ng state of calamity sa isang lugar, hindi na kailangang iwasto ayon kay Senate President Sotto

Pagdeklara ng state of calamity sa isang lugar, hindi na kailangang iwasto ayon kay Senate President Sotto

NILINAW ni Senate President Tito Sotto III na may batas nang nagawa hinggil sa paraan ng pagdedeklara ng state of calamity sa isang lugar.

Sa Republic Act 8185 na sya ang may-akda noong 1992, magagamit na ng isang lokal na pamahalaan ang kanilang calamity fund kahit pa hindi nagdeklara ng state of calamity ang pangulo ng bansa.

Tugon ito ni Sotto sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na iwasto ang Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.

Matatandaang ayon sa Pangulo, ito ang isa sa hadlang kung bakit medyo bumabagal ang government response nang nanalasa ang Bagyong Odette.

Sa panayam ng SMNI News, isinalaysay naman ng Senate President na naging inspirasyon nya sa nasabing batas ang pagsabog ng Mt. Pinatubo.

Aniya, vice mayor sya ng Quezon City noon nang sumabog ang bulkan at para makatulong ay sinagip nila ang ilang taga-Pampanga sa lungsod.

Humingi aniya sya ng pondo sa kanilang city treasury bilang ayuda sa mga sinagip nila subalit kinakailangan pa muna umanong magdeklara ng state of calamity sa panahong iyon ang Pangulo ng bansa bago magbigay ng tulong pinansyal.

Follow SMNI NEWS on Twitter