Pagdinig ng Kamara hinggil sa OVP budget, hindi dinaluhan ni VP Sara

Pagdinig ng Kamara hinggil sa OVP budget, hindi dinaluhan ni VP Sara

SA isang sulat na ipinadala ni Vice President Sara Duterte kay Representative Joel Chua, inisa-isa ng pangalawang pangulo ang mga dahilan kung bakit hindi dadalo ang Office of the Vice President (OVP) sa ikalawang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Ang nasabing pagdinig ay kaugnay pa rin sa paggamit ng pondo ng OVP batay sa naging privilege speech ni Congressman Rolando Valeriano.

Pagdinig ng Kamara hinggil sa OVP budget, batay lamang sa mga alegasyon na walang basehan—VP Sara

Iginiit ng bise na ang pagdinig ay batay lamang sa mga alegasyon ni Valeriano na wala namang basehan, kaya’t hindi dadalo ang kaniyang tanggapan.

Ipinunto ni VP Sara na kung tutuusin ay hindi naman malinaw kung anong batas ba ang inaasahang mabubuo bilang resulta ng pagdinig sa Kamara.

Dagdag pa ni VP Duterte – ang rules of procedure na sinusunod ng mga mambabatas kapag nagsasagawa ng imbestigasyon na may layuning gumawa o mag-amyenda ng batas ay hindi naaayon sa konstitusyon at nilalabag ang karapatan, privacy, at dignidad ng sinumang dadalo sa kanilang pagdinig.

Iginiit pa ng pangalawang pangulo na ang salitang ‘investigation’ sa rules of procedure ng Kamara ay malayo na sa layunin nito na ‘in aid of legislation’ at mas tumutukoy aniya sa ‘investigative powers’ na karaniwang ginagawa ng mga hukom sa korte.

Aniya malinaw ito na paglabag sa prinsipiyong ‘separation of powers.’

Ipinaliwanag din ng bise na ang salitang ‘persons’ ang ginagamit ng konstitusyon para sa sinumang dadalo sa legislative hearing at sadyang hindi ginamit ang salitang ‘witnesses’ dahil aniya ang paggawa ng batas ay hindi katulad sa ginagawa ng korte.

Ani VP Sara, malinaw rin ang sinasabi ng konstitusyon hinggil sa pagdinig na may layong gumawa ng batas na dapat galangin ang karapatan ng sinumang dadalo rito.

Hindi rin aniya maaaring pilitin ang sinuman na lumahok sa proseso ng paggawa ng batas, at ang karapatan na ito ay protektado ng konstitusyon.

Ipinaliwanag din niya na ang mga isyung nakabinbin sa Korte Suprema ay hindi dapat tinatalakay sa Mababang Kapulungan upang hindi makaapekto sa patas na pagdinig at desisyon ng korte.

Dahil dito, ipinunto ni VP Sara na dapat nang i-terminate ng Kamara ang nasabing pagdinig.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble