TINAPOS na ngayong araw ng Senate Panel ang ginagawang pagdinig patungkol sa mga nawawalang sabungero.
Pang-apat at huling pagdinig na ang ginawa ng Senate Committee on Public Order hinggil sa mga indibidwal na nawala dahil umano sa e-sabong.
Ayon kay Dela Rosa, nakahanda itong gumawa ng report at rekomendasyon para sa mga point of interest sa pagkawala ng mga sabungero.
Sa ika-apat na pagdinig ng Senate Panel tungkol sa mga nawawalang sabungero, tinira agad ni Senator Francis Tolentino ang PAGCOR dahil sa pinayagang makapag-operate ang e-sabong sa kasagsagan ng Holy Week noong nakaraang linggo.
Pinuna rin ng senador ang hindi pagdalo ng BIR sa hearing gayong kailangan daw matiyak sa pagdinig na nabubuwisan nang tama ang mga e-sabong operators.
Tinalakay naman ng komite ang umano’y pagdukot sa isang sabungero na nagngangalang Johnver Francisco sa isang gasoline station sa Maycauayan, Bulacan noong nakaraang taon.
Sa pagdinig, lumitaw ang partner ni Johnver na si Christy Ladao at sinabing nakausap nito ang Manio Brothers na siyang dumukot umano kay Johnver at handang tumayong testigo sa pagdinig.
Ayon din kay Ladao, madalas kausap ng mga local police na sila LT. Col. Ryan Jay Orappa, PCPL Jovelyn Tamagos at Alric Natividad ang mga Manio Brothers sa loob ng NBI detention facility.
Ang Manio Brothers ay ikinulong daw ng NBI dahil sa droga.
Ayon kay Ladao, batay sa testimonya ng Manio Brothers ay nilubog na nila sa Laguna si Johnver pagkatapos nilang dukutin.
Ang kaso, pagdating ng Manio Brothers sa hearing matapos i-swab ay itinanggi na ng mga ito ang sinabi ni Ladao.
Ayon kay Nicholas at Nicasio Manio hindi nila kilala ang mga binanggit na pulis.
Itinanggi rin nila na dinukot si Johnver at itinanggi rin na may nakuha silang relo mula sa nawawalang sabungero.
Kinosensya ni Senator Bato at binalaan ang Manio Brothers sa mga parusang tatanggapin dahil sa perjury pero todo deny pa rin ang mga ito.
Maging ang mga pulis na nabanggit ay tumanggi rin na kilala nila ang Manio Brothers.
Si Cristy nanindigan na totoo ang mga testimonya nito laban sa mga Manio Brothers, maging sa mga pulis.
Ayon pa kay Michelle, meron siyang kuha o video na kausap ang mga Manio Brothers sa isang video na nasa kustodiya na raw ng NBI.
Inaasahan rin daw nito ang pagbaliktad ng Manio Brothers dahil sa nararanasang harassment.
Sinabi naman ng NBI na totoong may nakuha silang relo mula sa Manio Brothers nang hulihin nila ang mga ito dahil sa drugs.
Dahil last hearing na ito ay gagawa na ng committee report at rekomendasyon ang susunod na gagawin ng komite.
Ayon kay Dela Rosa, lalabas sa committee report ang malinaw na koneksyon ng mga PNP Local Officials sa mga nawawalang sabungero.
Aminado naman si Dela Rosa na hindi magiging mabilis ang pagsasampa ng kaso sa mga point of interest.
Ayon kay Dela Rosa, irerekomenda nito sa mga otoridad na maghanap pa ng ebidensya laban kay Atong Ang.
Matatandaan na si Atong Ang ang itinuro ng nasa likod ng mga nawawalang sabungero.
Sinabi naman ni Bato na gagawa ito ng panukala kung saan papayagan lamang ang e-sabong tuwing weekends at holidays at ang isa pa ay pataasin ang penalty para sa obstruction of justice.