Pagdinig ng Senado sa umano’y kulto sa Surigao, tinapos na

Pagdinig ng Senado sa umano’y kulto sa Surigao, tinapos na

SA huling pagdinig ng Senado kaugnay sa isang umano’y kulto sa Surigao ay kumbinsido si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na may mga nagawa itong mga paglabag sa batas.

“I ruled already on the adjournment of the hearing. So the investigation is terminated as of today,” pahayag ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Chair, Committee on Public Order and Dangerous Drugs.

Araw ng Martes ay tinapos na ng Senado ang pagdinig sa umano’y kulto sa Surigao del Norte.

Sa pangunguna ni Dela Rosa, chairperson ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay naimbestigahan ang Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).

Sa huling pagdinig ng Senado ay patuloy na lumalabas ang mga kakaibang nangyayari sa SBSI. Lahat ay may indikasyon na hindi sila isang pangkaraniwang grupo.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), binabawasan ng SBSI ang mga tulong-pinansiyal ng gobyerno na dapat ay para sa kanilang mga miyembro.

Bukod pa riyan ay napag-alaman na pilit na kinukuha ang kalahati ng perang kinita ng mga miyembro, na agad namang itinanggi ng lider ng SBSI na si Jay Rence Quelario alias Senyor Aguila.

Sa isang press briefing, sinabi ni Sen. Bato na kumbinsido siya na may maraming violations ang SBSI, kahit noon pa sa unang pagdinig.

“They can deny all they want but we have the goods in the form of testimonies of those victims. Very hard to destroy those statements of minors,” dagdag pa ni Sen. Dela Rosa.

DENR, hinikayat na i-revoke ang PACBRMA ng SBSI

Kaugnay nito ay umaasa si Sen. Bato na kikilos ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa pagkansela sa Protected Area Community Based Management (PACBRMA) agreement ng SBSI.

Ito ang kasunduan sa pagitan ng SBSI at ng pamahalaan na nagbibigay sa kanila ng pahintulot na mag organisa ng komundidad sa protected area na Sitio Kapihan.

Paliwanag ng senador, kung mababalik lamang ang mga miyembro ng SBSI sa kanilang mga orihinal na tinitirhan bago sa Sitio Kapihan ay mas madali silang matutulungan ng gobyerno.

“Kung ma revoke na ang PACBARMA, naturally they will be relocated. Naturally ang relocation nila ay balik sa kani-kanilang barangays. So ‘pag babalik sila doon ay doon na papasok ang DSWD para sa kanilang reintegration,” ayon pa kay Sen. Dela Rosa.

Ang committee report ng Senado kaugnay sa SBSI ay posibleng ilabas bago ang araw ng Pasko.

Follow SMNI NEWS on Twitter