Pagdinig vs sa mga suspek sa human trafficking, gagawin sa May 15

Pagdinig vs sa mga suspek sa human trafficking, gagawin sa May 15

HAHAYAAN ng Department of Justice (DOJ) panel na makapaghain pa ng kontra salaysay ang mga suspek na nasa likod ng human trafficking sa mahigit isang libong indibidwal na naisalba ng mga awtoridad kamakailan.

Gagawin ang hearing sa DOJ sa May 15.

Gabi ng May 4, 2023 nang isagawa ng mga awtoridad ang rescue operation at ang paghahain ng search warrant sa Clark Sun Valley Hub Corporation sa Clark Freeport and Special Economic Zone, Mabalacat, Pampanga.

Ito ay may kaugnayan sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act in relation to the Cybercrime Prevention Act.

Sa naturang operasyon, mahigit isang libong biktima ang na-rescue kung saan 129 ay mga Pilipino habang ang iba pa ay mga foreign nationals mula sa bansang China, Hong Kong, Indonesia, Malaysia, Myanmar, Nepal, Taiwan, Thailand, at Vietnam.

Batay sa mga ebidensiya, ang mga biktima ay na-recruit bilang call center agents para makapag-akit sa mga foreign customers mula United States, Canada, at Europe na mag invest sa cryptocurrency.

Ang mga biktima kung saan karamihan ay mga lalaki ay inutusan na magpanggap na mga babae para makapang-akit ng mga investors.

Nasa 12 individual ang na-identify bilang human traffickers.

Ang mga suspek ay dinala ng PNP-ACG, kasama ang mga tumatayong victim-witnesses sa DOJ para maisalang sa inquest araw ng Lunes.

Itinakda naman sa May 15 ang hearing para mabigyan ng pagkakataon ang mga suspek na makapaghain ng kontra salaysay matapos silang humiling na magkaroon ng preliminary investigation.

Sila ay nasa ilalim ngayon ng kustodiya ng PNP-ACG habang ang mga biktima at witness ay tinurn over sa IACAT OpCen at DSWD para sila ay mabigyan ng tirahan at pagkain.

Ang DFA ay nakikipag-ugnayan naman ngayon sa iba’t ibang embahada para mapabilis ang repatriation ng mga biktimang dayuhan.

Patuloy naman ang babala ng DOJ sa mga gumagawa pa ng kalokohang gaya nito at hinihikayat ang publiko na tumawag sa kanilang hotline kung sakaling mayroon itong impormasyong makatutulong para masagip ang mga biktima at mapanagot ang mga perpetrators.

“Should you have any information that may help us rescue or assist victims and investigate perpetrators, please do not hesitate to get in touch with us thru the 1343 Actionline, IACAT Facebook messenger, or email us at [email protected],” ayon sa DOJ.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter