HINDI inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng dalawang magkaibang brand ng COVID-19 vaccine upang makumpleto ang kinakailangan dalawang doses nito.
Ito ang sagot ni Health Secretary Francisco Duque III sa tanong ni Senate President Tito Sotto sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee of the Whole kaugnay sa COVID-19 vaccination plan ng gobyerno.
Ayon kay Duque, sakali kasing makaranas ng negatibong epekto matapos ang pagpapabakuna ay mahihirapan ang ahensiya na matukoy kung anong brand ng COVID-19 vaccine ang nagdulot nito.
Sinang-ayon naman ito ni Dr. Lulu Bravo, chairperson ng Philippine Medical Association’s Adhoc Committee on Vaccination.
Sinabi ni Bravo na hindi ito nakabatay sa standard procedures ng vaccination.
Sa ngayon, tanging ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine pa lamang ang nakakuha ng emergency use authorization (EUA) sa Food and Drug Administration (FDA) sa Pilipinas.