IGINIIT ng isang tech editor na dapat highly regulated ang paggamit ng Artificial Intelligence (AI) sa bansa lalo na sa mga negosyo.
Bago pa man aniya maging huli na ang lahat para sa mga manggagawa, hiniling ni Senator Imee Marcos na maimbestigahan sa Senado ang paggamit ng AI.
Nangangamba si Sen. Marcos na darating ang panahon ay mai-etchapwera na ang mga manggagawa dahil dito.
Lalo na ‘yung mga nagtratrabaho sa business process outsourcing at original equipment manufacturing na mga kompanya.
Para naman sa tech editor na si Art Samaniego, tama ang obserbasyon ni Sen. Marcos.
“Napansin na ni Senator Imee Marcos na kailangang i-regulate ang AI dahil sa mga dangers na dala nito lalo na sa job displacement,” ani Art Samaniego, Tech Editor, Manila Bulletin.
Saad pa ni Samaniego na talagang business owners ang makikinabang sa AI.
Lalo na kung routine kada araw ang ginagawa ng mga manggagawa.
“Advantageous talaga to sa mga business owners lalo na pag routinary ang ginagawa ng mga tao so napapalitan nila ng AI. Kaya dapat matinding pag-aaral ang gawin nito kasi ang laki ng epekto nito sa ating bansa lalo na sa mga workers o sa mga manggagawa ba natin,” dagdag ni Samaniego.
Sa mga paaralan, ginagamit din ngayon ang AI para sa pag-aaral.
Halimbawa rito ang open AI platform na Chat GPT. https://openai.com/blog/chatgpt.
Isang Chatbot ang Chat-GPT na kayang sagutin ang katangunan ng user.
Kaya nitong sumulat ng AI generated na kuwento, liham, tula at iba pang class activity ng mga bata.
Ngunit para kay House Committee on Basic Education Chair Roman Romulo, may masamang epekto ang AI sa mga estudyante.
Mambabatas, tutol sa paggamit ng artificial intelligence ng mga estudyante
“Ngayon kasi yung AI na pinag-uusapan baka ito na yung gumawa ng research para sa atin. Ayaw po natin yon, kasi kung ‘yun na ang gagawa ng research para sa atin, mawawala po yung critical thinking noong ating mga kabataang Pilipino,” saad ni Rep. Roman Romulo, Chairman, House Committee on Basic Education and Culture.
Giit pa ni Romulo, mahirap maging dependent sa AI ang mga estudyante.
“Ang kailangan lamang po ay basic. Marunong magbasa, naiintindihan ang binabasa. Pagka-ganun po at matulungan ng teknolohiya sa bagay na ‘yan. Yan po ang kailangan,” dagdag ni Romulo.
Maraming uri ng AI ang ginagamit ngayon sa buong mundo.
Una riyan ang Computer Vision o Video Analytics na kayang gumawa at mag-analisa nang mabilisan ng computer objects.
Pangalawa ang Conversational AI o Natural Language Processing kung saan pasok ang Chat GPT.
Recommenders Personalization AI na magbibigay ng real time recommendations sa pagpili at pagpapasya sa mga bagay-bagay.
Nariyan din ang Robotics AI na kadalasang gamit ngayon ng manufacturing companies.
Mayroon ding AI na voice command na kayang sumagot sa katanungan ng isang tao in real time.
Kaya kung regulation ang pag-uusapan, hindi aniya ito kayang mag-isa ng pamahalaan at dapat multi-sector ang gagawa.
“Saka dapat prioritize ng regulation na to ang transparency at accountability. Ibig sabihin, pag ginawang masama ang AI, accountable dapat ang gumawa nito,” ani Samaniego.