Paggamit ng body cameras ng traffic enforcers, sisimulan sa susunod na buwan—MMDA

Paggamit ng body cameras ng traffic enforcers, sisimulan sa susunod na buwan—MMDA

SISIMULAN sa sususnod na buwan ang paggamit ng body cameras ng traffic enforcers ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Isasapinal na ng MMDA ang guidelines para sa paggamit ng body-worn cameras ng mga traffic enforcer na nakatalaga sa paniniket upang masimulan na ang paggamit nito.

Ayon kay MMDA acting Chairman Atty. Romando Artes, bibigyan nila ng isang linggo ang stakeholders upang magbigay komento sa drafted guidelines para sa paggamit ng body-worn cameras.

Sa panahon na maisapinal ang guidelines, paaaprubahan na ito sa susunod na Metro Manila Council Meeting.

Posible ayon kay Artes na sa susunod na buwan ay mag-uumpisa na ang paggamit nito.

Malaki itong hakbang aniya upang tugunan ang mga problema ng mga motorista at sa korupsiyon.

Sa pamamagitan ng body-worn camera, makikita sa command center ng MMDA ang lahat ng transaksiyon sa pagitan ng enforcer at motorista.

At upang masigurado na lahat ng mangyayari ay naka-record o sapul sa camera habang nasa duty, walang access ang mga enforcer sa pag-on at off ng camera.

Sa ngayon, ang mabibigyan lamang ng body cameras ay mga traffic enforcer na nagbibigay ng ticket.

Halos nasa tatlong libo kasi aniya ang mga enforcer sa Metro Manila kaya hindi lahat ay maiisyuhan ng nasabing kagamitan.

Sa ngayon, may 120 body-worn cameras na ang MMDA at pinaplano pa nilang bumili pa ng 20.

Bawat unit ay nagkakahalaga ng P60,000 at may kasama nang tatlong taong subscription sa SIM Card.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter