Paggamit ng Ivermectin kontra COVID, patuloy pang pinag-aaralan ng DOST

Paggamit ng Ivermectin kontra COVID, patuloy pang pinag-aaralan ng DOST

IPINALAAM ng Department of Science and Technology (DOST)na patuloy pang pinag-aaralan ang paggamit ng Ivermectin bilang panggamot kontra coronavirus.

Ayon kay Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng Philippine Council for Health Research and Development, kasalukuyang nagsasagawa ng clinical trials para sa paggamit ng nasabing gamot.

Aniya, kabilang ang ahensya sa International Clinical Trials Consortium na kinabibilangan ng tatlong malalaking grupo, base sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO), National Institute of Health (NIH), at saka Centers for Disease Control (CDC), anila sumusuporta sila sa patuloy na pag-aaral tungkol sa Ivermectin.

“Dahil hindi pa po sapat ang ebidensiya para sabihin na ito ba ay nakatutulong o hindi nakatutulong sa mga pasyente na mayroong COVID-19. So ito po ay patuloy pa nating gagawin at bukod pa dito ay napakahalaga na magkaroon tayo ng lokal na datos tungkol sa mga Pilipino na nabibigyan ng gamot na ito, para po sa safety issue, sa mga posibleng side effect at kung ito po ay totoong mabisa sa mga Pilipinong may COVID-19,” pahayag ni Dr. Montoya.

Aniya, binabase ito sa rekomendasyon ng  malalaking grupo na kung saan kailangang gumawa pa ng clinical trial para talagang magkaroon ng sapat na ebidensiya na magsasabi kung ito ba ay magagamit o hindi para sa COVID-19.

Kasunod nito, ipinaliwanag naman ni Dr.  Montoya kung bakit nagkaroon ng delay sa clinical trials hinggil sa paggamit ng Ivermectin.

Aniya, ang pagpoproseso at pagsisimula ng pag-aaral ay mahabang proseso at hindi pwedeng basta gawin na lang.

“Unang-una po, iyong protocol na siyang magiging disenyo ng pag-aaral, ito po ay bina-base sa pinaka-latest development na nangyayari sa ibang bansa. So, dahil po sa International Clinical Trial Consortium kasama tayo, tinitingnan at binago po ang ilang aspeto ng protocol na maigi po, dahil at least tama po at talagang maganda ang sisimulang pag-aaral,” ayon kay Montoya.

Sinabi pa nito, kailangang magkaroon ng ethics approval, ibig sabihin kailangang maproteksiyunan ang karapatan at kabutihan ng mga lalahok sa pag-aaral, bukod pa sa technical review na nangyayari ngayon.

Binigyang diin nito na kailangan lamang  siguraduhin na tama ang pamamaraan at methodology o iyong paraan kung paano gagawin ang pag-aaral para magiging kapani-paniwala ang resulta na ito.

Aniya ang ahensya ay makakagawa ng interim analysis, base sa projection na kahit nangangalahati pa lang iyong research kung saan maarin nang maglabas ng preliminary na datos para magka-idea kung ano  ang nangyayari sa resulta ng pag-aaral na ito.

BASAHIN: Paggamit ng Ivermectin, ipinanawagan ng isang grupo ng mga doktor

 

SMNI NEWS