Paggamit ng mukha at pangalan ni PNP chief General Acorda, walang kapatawaran—PNP  chief

Paggamit ng mukha at pangalan ni PNP chief General Acorda, walang kapatawaran—PNP chief

MULING iginiit ni PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. na walang kapatawaran at hindi tama matapos gamitin ang kaniyang pangalan, mukha at imahe ng Philippine National Police sa diumano’y isyu ng distabilisasyon laban sa administrasyong Marcos.

Sa kaniyang pagharap sa mga miyembro ng PNP sa regular flag raising ceremony sa Camp Crame, sinabi ni Acorda na unforgivable o walang kapatawaran at hindi aniya tama ang gamitin ang kaniyang pangalan ng sinuman para magpakalat ng maling balita.

Matatandaang, kapwa inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP ang kanilang buong katapatan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., bilang commander in chief at wala anila silang kaugnayan sa kumakalat na pagpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon.

Nagsimula ito sa isang video post ni retired BGen. Johnny Macanas Jr. na dawit ang PNP at AFP sa isang tangkang distabilisasyon sa pamahalaan.

Pakiusap naman ng PNP chief sa publiko partikular na sa mga vlogger na huwag gamitin aniya ang kanilang pangalan para lamang sumikat.

Sa halip aniya, iwasan ang pagpapakalat ng maling balita para sa hangad na maayos at nagkakaisang sambayanang Pilipino.

Follow SMNI NEWS on Twitter