PANGKALAHATANG mapayapa at maayos ang sitwasyon sa buong Gitnang Luzon nitong nagdaang Undas.
Ito mismo ang kinumpirma ni PRO 3 Director PBGen. Redrico A. Maranan kasunod ng pagdagsa ng mga tao sa sementeryo ngayong Undas.
Sa kabila aniya ng ilang insidente ng pagsusugal, pagdadala ng baril at ilan pang pagsuway sa mga pulis, wala nang naitalang major untoward incidents sa paggunita ng All Souls Day at All Saints Day.
Sa ngayon nananatili pa ring mahigpit ang seguridad sa mga sementeryo para sa mga bibisita ngayong Nobyembre 2, mismong araw ng All Souls’ Day hanggang Nobyembre 4.
Pinasalamatan din ni PBGen. Maranan ang iba’t ibang ahensiya at force multipliers na katuwang nila sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga sementeryo, terminals at iba pang pampublikong lugar.
“Kami po ay patuloy na nakaantabay upang masiguro ang kaligtasan ng ating publiko sa pagdalaw nila sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay gayundin naman sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang mga trabaho. Muli din naming pinapayuhan ang publiko na sumunod sa mga pinaiiral na panuntunan sa mga sementeryo sa kanilang patuloy na pagdalaw dito,” ani PBGen Maranan.
Follow SMNI News on Rumble