PATULOY ang paghahanda sa loob ng Manila Memorial Park para sa libing ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Simple at wala anumang palamuti ang makikita sa loob ng musuleo.
Nilinis ang paglalagakan ng urn ng dating Pangulo sa tabi ng puntod ng kaniyang magulang na sina dating Senador Benigno Aquino Jr. at dating Pangulong Corazon Aquino.
Hinahanda na rin ang LED screen na gagamitin para sa mga gustong masilayan sa huling pagkakataon ang yumaong dating presidente.
Dalawamputlimang upuan lang ang hinahanda para sa kaanak at mga malalapit na mga indibidwal.
Nakapuwesto na rin ang mga bulaklak mula sa iba’t ibang personalidad.
Ito ang nais ng pamilya Aquino na anila ay simpleng namuhay umano ang dating pangulo at napakapribado.
Nakatakda namang mag-alay ang AFP ng 21 gun salute kung saan sabay-sabay magpapaputok ng kanyon sa mga malalaking kampo ng militar sa buong bansa.
Pumanaw si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa edad na 61 dahil sa “renal disease secondary to diabetes” noong Huwebes, Hunyo 24, 6:30 ng umaga.
Magugunita na tinamaan ng iba’t ibang karamdaman ang dating Pangulo nitong mga nakaraang taon at sumailalim din sa dialysis at heart operation.
Ipinanganak si Noynoy Aquino noong Feb. 8, 1960 at ang nag-iisang lalaki sa limang anak nina dating Sen. Benigno Ninoy Aquino, Jr. at dating Pangulong Corazon Cory Aquino.
Si PNoy ang ika-15 Presidente ng Pilipinas na nahalal noong 2010 at nagsilbi sa bayan hanggang 2016.
Bago naging presidente ay naging senador muna siya mula 2007 hanggang 2010.
Nahalal din siya bilang congressman sa ika-2 distrito ng Tarlac, mula 1998 hanggang 2007.
Naging Deputy Speaker din siya mula 2004 hanggang 2006.