Paghahanda sa posibleng ‘The Big One’, hindi dapat kaniya-kaniya—Metro Manila Council

Paghahanda sa posibleng ‘The Big One’, hindi dapat kaniya-kaniya—Metro Manila Council

SUNUD-sunod na lindol ang naranasan sa Mindanao na nakaapekto sa marami nating kababayan kaya hindi dapat kaniya-kaniya ang paghahanda sa posibleng ‘The Big One’.

Kamakailan ay naramdaman sa Kalakhang Maynila ang pagyanig sa Lubang Occidental Mindoro.

Dahil sa naturang mga pangyayari, muling nabuhay ang usapin patungkol sa posibilidad na ‘The Big One’ o malakas na pagyanig na maaaring mahagip ang Metro Manila.

Ayon kay San Juan City at Metro Manila Council President Mayor Francis Zamora ang ‘The Big One’ ay dapat pagtuunan ng pansin at paghandaan na hindi kaniya-kaniya.

Anya ang lahat ng siyudad at bayan sa National Capital Region (NCR) ay centralized dapat ang preparasyon kasabay ng patuloy na mga ginagawang pagsasanay pagdating sa earthquake drill.

“This is really something we should focus on the preparation natin with The Big One at hindi rin puwede na kaniya-kaniyang preparasyon ang mga lungsod, kinakailangan na meron tayong centralized na preparation at malaking bagay po jan talaga number 1 ‘yung patuloy na pagsasanay ng bawat isa, hindi puwedeng ningas-kugon tayo pagdating sa earthquake drill, it has something that sustainable. We have to constantly train and educate, train our people on what to do,” ayon kay Mayor Francis Zamora, President, Metro Manila Council.

Kaugnay rito, binigyang-diin ng alkalde na malaking bagay na mas palakasin pa ang augmentation force ng bansa katulad ng pagre-recruit ng mga reservist.

“At malaking bagay rin para sa akin ‘yung mag-recruit talaga tayo sa ating reservist at marami po sa ating mga kababayan ang gusto maging reservist para pagdating ng mga sakuna meron tayong augmentation force na makakatulong dahil limitado lang ang bilang ng ating emergency responders, mga pulis mga bomber,” wika ni Mayor Zamora.

Follow SMNI NEWS on Twitter