BINIGYANG-diin ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma at ng mga opisyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangako ng kagawaran na gawing data-driven, may seguridad, at may kakayahang digital ang ahensiya gaya ng nakabalangkas sa Information Systems Strategic Plan (ISSP) 2026-2028.
Sinabi ng Labor Chief, layunin ng kagawaran na simplehan at gawing mabilis ang mga pang-araw-araw na proseso na ginagawa ng mga manggagawa at employer.
“Layunin namin na simplehan ang mga pang-araw-araw na proseso na ginagawa ng mga manggagawa at employer, gawing mabilis ang pagkuha ng mga serbisyo sa paggawa, protektahan ang kanilang mga karapatan, at itaguyod ang trabaho,” pahayag ni Sec. Bienvenido Laguesma, DOLE.
Inilatag ng DOLE IT Conference 2024 ang pundasyon para sa digital transformation ng kagawaran.
Sa IT Conference, iprinisinta ni DICT Secretary Ivan John Uy ang Digital Government Master Plan 2023-2028, na isa sa mga naging talakayan sa digital transformation sa pampublikong sektor.
Sa cybersecurity at data privacy sessions, ibinahagi rin ang pinakamahusay na pamamaraan para sa pagpapatupad ng Data Privacy Act sa pamahalaan.
Ang ikalawang-araw ng conference ay nakasentro sa mga praktikal na pagsasanay sa cybersecurity, mayroon din tabletop exercise, kabilang ang breach simulations, na naglalayong paghusayin ang pagtugon ng DOLE sa mga insidente at pagsubaybay sa mga banta.
Nagsagawa rin ng session sa personal cybersecurity, kung saan binibigyang-diin ang responsibilidad ng indibidwal sa pagprotekta ng data.
Sa ikatlong araw na pagtitipon, tinalakay ang paggamit at kung paano mapapahusay ng AI ang mga operasyon ng pamahalaan.
Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga eksperto sa industriya at mga internal stakeholder, ang DOLE ay gumagawa ng mga hakbangin tungo sa integrasyon ng makabagong teknolohiya upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo nito sa mga manggagawang Pilipino.