Paghalintulad ng kasalukuyang PNP chief kay Senator Bato, tinuligsa ni Vice Mayor-Elect Baste Duterte

Paghalintulad ng kasalukuyang PNP chief kay Senator Bato, tinuligsa ni Vice Mayor-Elect Baste Duterte

NAGBIGAY ng matapang na salaysay si Vice Mayor-elect Sebastian “Baste” Duterte hinggil sa direksyon ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng bagong hepe na si Nicolas Torre III.

Ayon kay Duterte, tila hindi tama na ihambing ni General Torre ang kanyang pag-angat sa liderato ng PNP sa naging karanasan ni Senador Dela Rosa, na itinuturing na may sariling kwento at pamana sa pulisya noong panahon ng administrasyong Duterte.

“Kinumpara pa niya ‘no—ang sarili niya. Pwede namang mali ako. Isa o dalawang ranggo ang inakyat niya. Basta umakyat siya. Habang ikinukumpara niya ang sarili niya kay Bato, gusto ko lang ipunto ang pagkakaiba: si Bato, kung siya man ay na-promote, iyon ay dahil sa laban kontra droga at kriminalidad. Si Torre, umangat sa posisyon dahil siya ay naroon para usigin ang mga lumalaban sa droga at kriminalidad,” ayon kay Vice Mayor Elect Sebastian “Baste” Duterte.

Ang matatalim na pahayag ng Bise Alkalde ay nagpapahiwatig ng kanyang paniniwala na ang agenda ng bagong PNP Chief o maging ng kasalukuyang administrasyon ay maaaring makasira, sa halip na makatulong, sa laban kontra ilegal na droga.

Aniya, mistula itong pagpapakita ng pagkiling sa droga at kriminalidad, at tila pag-aalaga sa mga pusher at narco-politicians.

‘’Ano ang sinasabi nito tungkol sa administrasyong ito? Kulang na lang ay hayagang sabihin na isinusulong nila ang droga at kriminalidad, at kinakanlong ang mga pusher at narco-politicians. So, ano ‘yon? balik sa inyo,” saad ni Mayor Baste.

Ang mga pahayag ni Vice Mayor-elect Baste Duterte ay lumabas matapos ang mga ulat hinggil sa mga naging komento ni General Nicolas Torre III tungkol sa kanyang promosyon, kabilang ang paghahambing sa sarili kay dating PNP Chief at ngayo’y Senador Ronald “Bato” Dela Rosa.

Matatandaang si Torre, dating hepe ng CIDG, ang namuno sa operasyon noong Marso 11 para isilbi ang arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, na umano’y layong iligal na dalhin ang dating pangulo sa The Hague.

Bukod dito, siya rin ay sangkot sa marahas at kontrobersyal na 16 na araw na pagsalakay ng pulisya sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound noong nakaraang taon, isang insidenteng nagpapakita ng malawakang paglabag at pagyurak sa karapatang pantao ng mga normal na Pilipino.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble