PINUNA ni Iloilo Representative Janette Garin ang pagiging kumpiyansa ng mga Pilipinong nabakunahan na ng COVID-19 vaccine.
Ito’y bunsod ng mga report na marami sa mga naturukan ng unang dose ang hindi na nagsusuot ng face masks at nagiging kampante na rin sa sarili at sa paligid.
Payo ng dating Health Secretary sa mga naghihintay ng second dose ng bakuna, huwag ihinto ang pagsunod sa minimum health standards.
Diin nito na hindi agaran ang proteksyon ng bakuna.
Magiging epektibo lamang aniya ang proteksyon na hatid ng vaccine dalawa hanggang apat na linggo pagkatapos matanggap ang second dose.
“They should still be wary as vaccination is not immediate outright protection as our body takes time to develop effective antibodies or soldiers against COVID-19. Effective protection starts two to four weeks after the second dose,” pahayag ni Garin.
Panawagan naman ng opisyal na ituloy pa rin ang pagsuot face shield at face mask at pagpatupad ng social distancing.
Batay naman sa datos ng Department of Health (DOH) nitong April 6, nasa 922,898 na ang nabakunahan sa bansa.
Sa nasabing bilang, 872,213 ang nakatanggap ng first dose habang 50, 685 naman ang second dose.
Ayon kay National Task Force against COVID-19 Chief Implementer, Secretary Carlito Galvez, nasa ika-50 puwesto ang Pilipinas sa 155 mga bansa sa pagtuturok ng bakuna.
Ibinase naman ni Galvez ang kanyang pahayag sa datos ng Bloomberg Tracker nitong April 5.
Number 1 naman ang Estados Unidos sa pinakamaraming nabakunahan sa buong mundo.
Sinundan ito ng China, European Union, India, United Kingdom, Brazil, Turkey, Germany, Indonesia at France.
Sa ngayon ay 673 million doses na ng bakuna ang naiturok sa 155 mga bansa sa buong mundo.
Sa ngayon ay tuloy tuloy pa rin ang pagbabakuna sa bansa gamit ang Sinovac vaccines.
Inaasahan na darating sa bansa ngayong buwan ang 1.5 million doses ng bakuna mula sa Sinovac at Gamaleya ng Russia.
(BASAHIN: Paggamit sa mga bakuna ng AstraZeneca, sinuspinde na ng DOH)